KINOMPIRMA ni Pangulong Rodrigo Duterte, nakapasok na sa bansa ang teroristang grupong Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) at sa susunod na tatlo hanggang pitong taon ay magiging sakit ng ulo sila ng gobyerno.
Sa kanyang talumpati sa pagbisita sa 1st Infantry Division sa Upper Pulakas, Labangan, Zamboanga del Sur kahapon, inatasan ni Pangulong Duterte ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na durugin na ang bandidong Abu Sayyaf Group na kontak ng ISIS sa Filipinas.
Iginiit ng Pangulo, sarado na ang kanyang pintuan na makipag negosasyon o makipag-usap sa ASG.
Sinabi ng Pangulo, ang galamay ng ISIS ay nagpanggap na mga misyonaryo para makapasok sa Filipinas at indoktrinahan ang mga Muslim sa Mindanao.
“Some parts of Mindanao, may mga white skinned people tingin ko mga Arabo ‘yan, they are here as missionaries. Walang armas but they are into indoctrination. ‘Yan ang katakutan kasi like communists, pagkatapos makita nilang maganda, papasok na ang kanilang political officers. ‘Yan ang delikado kasi tinatarget nila ang isipan,” ayon sa Pangulo.
Kaya bago aniya lumala ang problema at maging kontaminado ng “ISIS disease” ang kaisipan ng mga rebeldeng Moro ay dapat lutasin ng gobyerno ang Muslim insurgency.
“We have problems sa Muslim insurgency and we must arrest them before ang ating kapatid na Moro, hindi ma-contaminate ng ISIS disease. There is something wrong in their minds about killing people, and necessarily without questions, reason, ang mga babae na ayaw makipagtalik sa kanila ay susunugin, they burn people to death no reason at all,” pahayag ng Pangulo.
Kasabay nito, tiniyak ng Pangulo sa AFP na bago ang buwan ng Disyembre ng taon na ito, inaasahang darating ang mga bagong armas.
( ROSE NOVENARIO )