IPINATAWAG sa US State Department ang charge de affairs ng Filipinas sa Amerika para magpaliwanag hinggil sa pagtawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘bakla’ si US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg.
“We’ve seen those inappropriate comments made about Ambassador Goldberg. He’s a multi-time ambassador, one of our most senior US diplomats. We have asked Philippine charge to come into the State Department to clarify those remarks,” ani US State Department Spokesperson Elizabeth Trudeau sa press briefing sa Washington kamakalawa ng gabi.
Hindi ibinigay ni Trudeau ang detalye ng pulong sa kinatawan ng embahada ng Filipinas sa US.
Nauna rito, tinawag na bakla ni Duterte si Goldberg dahil buwisit siya sa aniya’y pakikialam ng Ambassador noong nakalipas na eleksiyon.
Magugunitang nakiisa si Goldberg sa pagkondena ng Australian envoy sa pagbibiro ni Duterte sa rape-slay sa isang Australian missionary sa Davao City Jail noong 1989.
( ROSE NOVENARIO )