SUNOD na papangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kongresista, hukom at pulis na sangkot sa illegal na droga.
Sa ngayon, hinihintay pang pangalanan ng pangulo ang mga mayor at gobernador na sangkot din sa illegal drugs operation.
Sinabi ni Pangulong Duterte, gagawin niya ang pag-aanunsiyo sa mga pangalan sa susunod mga na araw.
Ayon kay Duterte, wala siyang intensiyong sirain ang reputasyon ng mga personalidad na sangkot sa ilegal na droga bagkus ito ay pagtupad lamang ng tungkulin bilang pangulo ng bansa.
Dagdag ng pangulo, karapatan hindi lang ng media kundi lahat ng Filipino na malaman kung ano ang tunay na nangyayari sa Filipinas.
Inamin ni Duterte, hindi niya kilala nang personal ang trial court judges, congressmen at mga pulis na sangkot sa ilegal na droga.
“Ngayon, if I read the names now of the judges which I will — in a few hours, few days — may mga congressman, it’s not because gusto ko silang siraan. Hindi ko kilala ito. Pati mga pulis — judges, pulis, mga congressman. But it behooves upon me, nandito sa akin ‘yung obligasyon to tell the Filipino people of what is happening to this country,” ani Pangulong Duterte.
2 MAYOR NA SUMUKO PINAUWI MUNA NG PNP
PINAUWI muna ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang alkalde na sinasabing sangkot sa ilegal na droga.
Ito ay makaraan maghain ng kanilang statement kamakalawa ng gabi sina Maguing, Lanao del Sur Mayor Mamaulan Abinal Molok at dating Marantao, Lanao del Sur Mayor Muhammad Ali Abo Abinal.
Ayon sa CIDG, kanilang pababalikin ang dalawang mayor sakaling mayroon silang kakailanganing impormasyon.
Nakadepende sa resulta ng imbestigasyon ng CIDG kung sasampahan nila ng kaso ang dalawa.
Magugunitang kamakalawa, boluntaryong sumuko ang dalawa kay PNP chief Director General Ronald dela Rosa nang madawit ang pangalan nila sa ilegal na droga.
Sinabi ni Dela Rosa, sumuko ang dalawa dahil sa takot na mapabilang sila sa ilalabas na “shoot on sight order” ni Pangulong Rodrigo Duterte sa local executives.
Inamin daw ng dalawang alkalde ang kanilang involvement sa illegal drug trade at sila ay nagdi-distribute ng droga sa Cavite, Laguna at Caloocan.
Sila ay “downline” ni dating Maguing Mayor Johaira Abinal alias Mayora Marimar na siyang itinuturing na “drug queen of the south” na naaresto ng mga operatiba sa isinagawang drug operation sa Cagayan de Oro kamakailan lamang.
Nangako ang dalawang mayor na tutulong sila sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Habang nagpahayag ng kagustuhan ang dalawa para sumailalim sa drug test.
Una rito, sumunod na boluntaryong sumuko sa Camp Crame kagabi si Ampatuan, Maguindanao Mayor Rasul Sangki.
Si Sangki ay iniuugnay din na sangkot sa illegal drug trade.
Isinailalim din sa custodial investigation si Sangki ng PNP-CIDG.
IBA PANG NARCO POLITICIANS SUSUKO
MAY iba pang local chief executives ang nagpasabing susuko sa Philippine National Police (PNP) sa susunod na mga araw.
Ayon kay PNP chief, Dir. Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa, kusang lumalapit sa kanila ang local chief executives at nangangakong makikipagtulungan sa kampanya laban sa illegal drugs ng Duterte administration.
Ngunit sinabi niyang hindi niya maipapagamit ang “White House” sa Camp Crame dahil ang unang tumuloy rito ay umabuso at nangamoy usok ang isang silid dahil sa sigarilyo.
Sa ngayon, apat na alkalde na ang lumantad sa PNP na kinabibilangan nina Albuera mayor Rolando Espino Sr., Maguing, Lanao del Sur mayor Mamaulan Abinal Mulok, dating mayor Muhammad Ali Abu Abinal ng Marantao, Lanao Del Sur at Rasul Sangki KINOMPIRMA ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre, ilan pang police generals ang nadidiin sa illegal drugs trade bukod sa mga nauna nang tinukoy bilang narco-generals.
Sinabi kahapon ni Aguirre, batay sa pahayag ng mga nakausap na dealers at ‘bagma’ sa ilegal na droga, ilang matataas na opisyal ng PNP hanggang heneral ang dinadalhan nila ng ‘protection money’ kada buwan.
Ayon kay Aguirre, kaya marami sa mga pumapatay ng drug pushers ay mga tauhan din ng mga sangkot na heneral para hindi na kumanta.
Inihayag ng justice secretary, marami pang police officials ang matutukoy sa darating na mga araw.
ULTIMATUM NG PNP DEDMA KAY KERWIN
BIGONG lumutang sa PNP ang binansagang drug lord ng Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa, anak ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.
Nauna rito, binigyan ng deadline na hanggang 6:00 am kahapon si Kerwin ngunit hindi siya nagpakita sa mga awtoridad. Dahil dito, itinuturing na siyang pinaghahanap ng batas, lalo na ngayong kinasuhan na siya ng illegal possession of firearms at illegal drug trade.