HINDI makalimutan at hindi pinalampas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naging pahayag noong panahon ng kampanya ni US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg.
Sa kanyang pagsasalita sa harapan ng mga sundalo kamakalawa ng gabi sa Cebu City, tahasang sinabi ni Pangulong Duterte na ‘bakla’ si Goldberg at nabubuwisit siya sa diplomat.
Ayon kay Duterte, nag-away sila ni Goldberg dahil sa pakikialam ng diplomat sa eleksiyon sa Filipinas.
Inihayag ni Duterte, ipinarating niya kay US Secretary of State John Kerry ang kanyang pagkadesmaya kay Goldberg na matatapos ang “tour of duty” sa Filipinas sa Oktubre.
Magugunitang binatikos ni Goldberg si Duterte nang magbiro ang pangulo na siya dapat ang unang nakatikim sa Australian missionary na ni-rape at pinatay sa Davao City, may ilang taon na ang nakararaan.
“Kaya nga sabi ko no’ng si Kerry, kasama kami ni Secretary, si Delfin (Lorenzana), kausap namin si (U.S. Secretary of State John) Kerry. Okay naman siya kasi, nag-away kami ng ambassador niya (Philip Goldberg). ‘Yung ambassador niyang bakla, p*****i**, buwisit ako diyan. Nakikisali doon sa election, giving [a] statement. You’re not supposed to do that,” ani Pangulong Duterte.
PALASYO DESMAYADO KAY TRUMP
UMALMA ang Palasyo sa pahayag ni Republican presidential bet Donald Trump na panganib ang mga migranteng Filipino sa Amerika at ang Filipinas ay isa sa mga bansang pinagmumulan ng mga terorista sa mundo.
Sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar kahapon, desmayado ang administrasyong Duterte sa naturang pahayag ni Trump dahil minsang sinabi ng presidential bet na mahal niya ang Filipinas at espesyal na lugar ang bansa lalo na’t dito niya inilagak ang major real estate investment ng kanyang kompanya.
Nang ilunsad aniya ang 57-storey luxury apartment ni Trump sa Makati City noong 2012 ay todo ang litanya ng Republican presidential bet kung gaano niya kamahal ang Filipinas.
“In fact, Mr. Trump has even professed his love for the Philippines during the launch of his 57-storey luxury apartment in Makati. He did say, ‘I’ve always loved the Philippines. I think it is just a special place and Manila is one of Asia’s most spectacular cities. I know that this project (Trump Tower) will be second to none,” ani Andanar.
Sa kanyang talumpati sa Portland, Maine kamakalawa, binanggit ni Trump na sa Filipinas kasama ang Morocco, Afghanistan, Iraq, Pakistan, Somalia, Syria, Uzbekistan at Yemen nagmula ang mga migranteng sabit sa terorismo na nagbibigay ng panganib sa US.
( ROSE NOVENARIO )