WALONG sundalo ang napatay at 11 ang sugatan sa serye nang opensiba ng New People’s Army (NPA) sa Monkayo, Compostela Valley noong Agosto 2, 4 at 5.
Batay sa pahayag ni Rogoberto Sanchez, tagapagsalita ng NPA Regional Operations Command, Southern Mindanao Region, pinarusahan ng 8th Pulang Bagani Company ng NPA ang tropa ng 25th Infantry Battalion dahil sa aniya’y pag-aabuso sa mga sibilyan, pagnanakaw sa kanilang mga bahay, pananakit at pananakot sa mga magbubukid at Lumad sa Monkayo mula pa noong nakalipas na Hunyo.
Ani Sanchez, hindi naghinay-hinay ang naturang tropa sa intel-psywar operations kahit sa ilang araw na unilateral ceasefire na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte mula Hulyo 25-30.
Noong Agosto 2 nang i-neutralized ng 8th PBC-NPA ang isang Cpl. Castro, isang intelligence operative ng 25th IB, naaktuhan nagsasagawa ng combat intel operation sa mga komunidad sa Brgy. Baylo, Monkayo.
Habang naka-enkwentro ng NPA noong Agosto 4 ang isang platoon ng 25th IB sa Brgy. Pasian, Monkayo, na ikinamatay ng dalawang sundalo at ikinasugat ng tatlo pa.
Kamakalawa, tinambangan, ani Sanchez, ng NPA ang isang kompanya ng 25th IB sa Sitio Inuburan, Brgy. Rizal, na ikinamatay ng limang sundalo.
( ROSE NOVENARIO )