INIUTOS ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon ang “shoot-to-kill” laban sa mga politikong sangkot sa ilegal na droga.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag kahapon ng madaling araw nang dumalaw sa sugatang pulis sa Davao City.
Sinabi ni Duterte, mas mabuting unahan na ng mga pulis ang narco-politicians bago sila ang mabaril gaya nang nangyari sa chief of police na tinamaan sa dibdib.
Kaugnay nito, iginiit ng Malacañang, hindi labag sa batas ang “shoot-to-kill order” na ibinaba ni Pangulong Duterte sa tinaguriang narco-politicians o politikong sangkot sa operasyon ng ilegal na droga sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, naaayon sa patakaran ng gobyerno ang “shoot to kill order” ng pangulo sa narco-politicians sa layuning mapanatili ang peace and order lalo na ang may kinalaman sa all-out war ng Duterte administration sa illegal drugs trade.
Ayon kay Abella, maliwanag ang kautusan ng pangulo na kapag lumaban at tumangging magpaaresto sa mga awtoridad ang isang suspek kailangang dumipensa ang mga awtoridad.
Inihayag ni Abella, ang hakbang ng pangulo ay nagpapakita lamang na desidido ang gobyernong tapusin ang problema ng ilegal na droga sa bansa.
Binigyang-diin ni Pangulong Duterte, hindi siya natatakot na ilarga ang kampanya kontra-illegal drugs kahit pa marami ang malagas sa populasyon ng bansa.
Sa kanyang talumpati sa 3rd Infantry Division sa Camp Gen. Macario Peralta Jr. sa Jamindan, Capiz kahapon, sinabi ni Duterte, walang dapat ipag-alala ang mga sundalo at pulis kahit makapatay lalo na’t ginawa ito sa pagtupad sa tungkulin.
“Don’t be afraid of cases. I’ll see to it nobody goes to prison just because of doing their duty. The President can grant pardon, absolute or conditional,” aniya.
Siya mismo ani Duterte ay hindi puwedeng kasuhan dahil may immunity sa asunto ang presidente habang nakaupo sa Palasyo.
Kapag bumaba naman siya puwesto ay 77-anyos na siya at base sa Revised Penal Code ay hindi na puwedeng ikulong ang 70-anyos pataas na akusado.
ni ROSE NOVENARIO
27 LOCAL GOV’T OFF’LS SA ILLEGAL DRUG TRADE TUTUGISIN NG PNP
NAKAHANDA nang tugisin ng pambansang pulisya ang ilan sa 27 local government officials na isinasangkot ni Pangulong Rodrigo Duterte sa operasyon sa ilegal na droga.
Ito’y kahit hindi pa ibinibigay sa PNP ang opisyal na listahan na nakapaloob ang pangalan ng 27 local government executives na sangkot sa illegal drug trade.
Ayon kay PNP chief, Director General Ronald Dela Rosa, nabanggit na ng pangulo sa cabinet meeting ang mga pangalan ng local government officials at ilan sa kanila ay kakilala niya.
Payo ni Dela Rosa sa nasabing LGU offcials, sumuko na lamang sila.
Aniya, ang nasabing mga opisyal na sangkot sa ilegal na droga ay matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Pagtitiyak ni Dela Rosa, maraming mga pangalan ang sinasabing sangkot sa operasyon ng illegal drugs.
Sa police operations
PAGTUMBA SA DRUG USERS, PUSHERS MAY BASBAS NI DIGONG
KINOMPIRMA ni Pangulong Rodrigo Duterte, may basbas niya ang serye nang pagpatay ng mga awtoridad sa sinasabing drug users at pushers mula nang maluklok siya sa Palasyo.
Wala aniya siyang pakialam sa human rights sa isinusulong na giyera kontra droga dahil sinisira ng mga sangkot dito ang Filipinas.
“P—— i— kayo. Hindi kayo nag-isip kung saan natin ilalagay ang problemang ito? Buti na lang ako ang presidente. Talagang ipapatay ko kayo. Kita mo ‘yung ginawa mo sa Filipinas? Tapos patawarin ko?” aniya sa panayam sa Davao City kamakalawa ng madaling araw.
“Kaya my order is shoot to kill kayo. Wala akong pakialam sa human rights. Maniwala ka. I don’t give a sh*t kung ano sabihin. This war against drugs, nagkaroon tayo ng crisis eh,” dagdag niya.
Inutusan din niya ang pulisya na huwag nang imbestigahan ang mga insidente nang sinasabing pakikipag-engkuwentro ng pulis sa drug users at pusher dahil direktiba niya ito.
“And ako I will for as long as it is done in the performance of as duty by the soldier and the police, akin ‘yan that is my official and personal guarantee. I will answer for the deed. Punta ka sa akin, kung sino kesehoda gustong mag-usap tayo. Basta sabihin mo, pag may pulis diyan nag-enkwentro ‘wag n’yo na imbestigahan ‘yan. Order ko ‘yan,” sabi niya.
Kapag ginawa ng pulis o sundalo ang pagpaslang sa kriminal ay garantisadong suportado niya ang mga ito .
( ROSE NOVENARIO )