NAPIKON si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pang-aabuso ng mga Arabo sa overseas Filipino workers (OFWs) kaya pauuwiin na niya ang ating mga kababayan.
Ayon sa Pangulo, nakasasama ng loob na nakararanas ang OFWs ng sexual abuses at iba pang uri nang pagmamalabis gaya nang hindi pagpapasuweldo, pagpapakain at pagtrato na parang hayop.
“May sentimiyento ako sa mga Arabo e. Kasi, well, you can just imagine na totoo ‘yang abuses, sexual or other lahat iyan. Pati ‘yung walang suweldo tapos isang beses silang pakainin parang hindi naman tao,” ayon sa Pangulo.
Inatasan ni Pangulong Duterte si Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay na pumunta sa Saudi Arabia para pauwiin na ang OFWs.
Nakahanda aniya si Yasay na bigyan ng travel document ang OFWs na gusto nang umuwi ng Filipinas.
Tiniyak ng pangulo, gagawin niya ang lahat ng pamamaraan para masigurong ligtas ang OFWs na nasa Saudi Arabia.
“Kaya ako I send somebody they should be brought home immediately. If there is nobody to pay for them, bring them home. Iyong iba ‘yung kinukuha nila ‘yung passport and it is not returned to them. Well, I don’t know. So sabi ko doon kay Yasay, puntahan mo ‘yan doon tapos bigyan mo ng travel document kausapin mo ang ano doon. So we are doing everything we can,” dagdag ng Pangulo.
( ROSE NOVENARIO )