KINOMPIRMA ni Pangulong Rodrigo Duterte, nasa Filipinas ang operasyon Mexican drug cartel na Sinaloa, ang pinakamapanganib at pinakamakapangyarihang sindikato ng illegal drugs a buong mundo.
Sa kanyang talumpati sa courtesy call ng mga kasapi ng Parish pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), inilahad ni Duterte kung gaano na kalala ang problema sa illegal drugs sa bansa kaya naglulunsad ang kanyang administrasyon ng “drug war”.
Ginagamit aniyang transshipment point ng Sinaloa ang Filipinas dahil naghihigpit ang US sa pagpasok ng illegal drugs sa kanilang bansa.
“Is Mexico into us? Yes. Sinaloa iyong cartel nila, tayo ang transshipment. Kasi in-entradicate sila ng mga Amerikano. Binomba sila. Kaya dito sila sa transshipment…. Active and Sinaloa. I never, never, never hoist a lie. I’m telling you,” ani Duterte.
Kung hindi aniya kikilos ang kanyang administrasyon ngayon ay narco-politicians na ang magpapatakbo ng bansa sa susunod na pitong taon.
Nagsibatan na aniya ang bigtime druglord sa takot mula nang maupo siya sa Palasyo kaya ang mga apparatus na lang o ang merkado ng illegal drugs ang kanyang dinudurog upang maubos na ang tatangkilik.
( ROSE NOVENARIO )