MULING inihain ng Gabriela party-list sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magsasalegal ng diborsiyo sa Filipinas.
Ito ang kanilang ika-limang beses na paghahain sa Kamara ng nasabing panukalang batas. Iginiit nina representatives Emmi de Jesus at Arlene Brosas, long overdue na ang diborsiyo sa bansa.
Ayon kay De Jesus, nararapat lang kilalanin din ang karapatang mag-diborsiyo dahil kinikilala din ng estado ng Filipinas ang karapatan na magpakasal.
Giit ni Brosas, higit sa kalahati ng mga Filipino ang sumasang-ayon na kilalaning legal ang diborsiyo sa bansa.
Sa katunayan aniya, 60 porsiyento ng mga Filipino ang pabor sa diborsiyo.
Nakasaad sa nasabing panukala na pahihintulutan ang mga mag-asawa na magdiborsiyo sa kondisyon na limang taon na silang hindi nagsasama.
Gayondin kung dalawang taon nang legal na magkahiwalay, at kung kapwa sila maituturing na psychologically incapacitated.
Papayagan magdiborsyo ang mag-asawa kung talagang hindi na sila magkakasundo. Magugunitang ipinasawalang bisa lamang sa Filipinas ang diborsiyo noong 1950s.