SUMUKO na sa mga awtoridad si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr., makaraan ang “24-hour shoot on sight ultimatum” na ipinalabas laban sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayonman, nananatiling ‘at large’ ang anak ng mayor na si Kerwin na tulad niya ay isinangkot din sa drug trafficking at coddling ng pulisya.
“Mayor Espinosa has surrendered and now under custody of Gen de la Rosa. The son, Erwin, is still at large,” ani Presidential Spokesman Ernesto Abella kahapon dakong 11:00 am.
Ayon kay Abella, si Mayor Espinosa ay nasa kostudiya ngayon ni Philippine National Police Chief Director General Ronald dela Rosa.
Walang dagdag na detalyeng ibinigay si Abella hinggil sa pagsuko ni Espinosa.
Matatandaan, nitong nakalipas na linggo ay naaresto ang dalawang bodyguard at tatlong empleyado ng mayor nang makompiskahan ng P1.9 milyong halaga ng shabu sa tennis court na pag-aari ng mga Espinosa.
ni ROSE NOVENARIO
Ultimatum sa anak ni Mayor Espinosa
SURRENDER OR DIE — GEN. BATO
“KERWIN, you better surrender or die.”
Ito ang babala ni PNP chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa anak ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr., para sumuko sa mga awtoridad makaraan aminin na ang kanyang anak ay isang drug lord.
Sa kanyang pagsasalita sa press conference, sinabi ni Dela Rosa, ang alkalde ay bumiyahe mula sa Leyte patungo sa Camp Crame at sumuko sa kanya dakong 4:00 am makaraan iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsuko o harapin ang “shoot-on-sight” order.
Aniya, inamin ng mayor na siya ay protektor ng drug lord sa Eastern Visayas, na walang iba kundi ang kanyang sariling anak na si Kerwin.
Pahayag ng alkalde, ang pinagkukunan ng droga ni Kerwin ay isang nagngangalang Peter Co, at ang droga ay mula sa prison facility sa Abuyog, Leyte.
“He admitted what his son is doing pero hindi niya makontrol ang kanyang anak. We will ask CIDG [Criminal Investigation and Detection Group] to investigate it… he admitted his son is into drug dealing,” ayon kay Dela Rosa.
“All we know is he is a drug lord and if he fights the police, he will die.”
Pagkaraan ay nagbabala si Dela Rosa sa anak ng mayor:
“Kung nakikinig si Kerwin, your father has already surrendered. You should follow your father. Pag hindi ka nag-surrender, mamamatay ka talaga. Mabuti pa na mag-surrender.
“Kung hindi siya manlaban, buhay siya. Kung manlaban siya, I will presume he is armed and dangerous according to reports and he will be shot.”
Samantala, sinabi ni Dela Rosa, nakatanggap ng impormasyon ang PNP na ang nakababatang Espinosa ay maaaring nakaalis na ng bansa patungo sa Singapore o Malaysia.
Sumailalim na rin aniya si Kerwin sa plastic surgery, ayon sa pahayag ng mayor.