IPASASARA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kompanya, maliit man o malaki, na nagpapairal ng ilegal na “ENDO” O end of contract scheme o labor only contracting.
“Huwag n’yo akong hintayin na mahuli ko kayo. You will not only lose your money you will also lose your funds,” ani Duterte.
Ang ENDO ay isang eskema nang paglabag sa Labor Code na ang manggagawa ay tinatanggal ng kanyang employer kapag umabot na sa limang buwan ang paninilbihan sa kompanya upang makaiwas sa pagbibigay ng mga benepisyo kapag umabot na sila sa anim na buwan pagtatrabaho.
Kailangan aniyang bayaran nang tamang suweldo at ibigay ang wastong benepisyo sa mga obrero dahil makabubuti ito sa ating bansa kaya’t dapat nang wakasan ng mga kapitalista ang ENDO.
“Ito ang pangako ko sa tao… bayaran n’yo ang tao sa tamang suweldo. Stop contractualization, it will not do good to our contry,” sabi ng Pangulo.
Nanghinayang ang Pangulo sa bilyon-bilyong pisong pondo ng Technical Education and Technical Skills Administration (TESDA) para bigyan ng teknikal na kaalaman ang mga mamamayan upang makapaghanabuhay ngunit hindi pinasusuweldo nang tama ng mga kapitalista.
Binalaan din ng Pangulo ang manpower agencies na sobra-sobra ang oras sa trabaho ngunit ang sahod ay mas mababa pa sa minimum wage, na itigil ang ganitong practice dahil hindi sila sasantohin.
Partikular na tinukoy ni President Duterte ang security agencies na pag-aari ng mga retirado at aktibong heneral na pinagdu-duty ang security guards nang hanggang 24 oras imbes otso oras lamang.
Hinimok ng Pangulo ang mga contractual na gamitin ang hotline 911 at 8888 para isumbong ang kanilang employers na nagpapatupad ng contractualization.
Nauna nang inatasan ni Pangulong Duterte si Labor Secretary Silvestre Bello III tapusin na sa 2017 ang ENDO.
Ani Bello hanggang katapusan ng 2016 ay tiyak na malaking porsiyento ng mga kaso ng ENDO ang mawawala at sa susunod na taon ay wala nang magiging biktima ng ENDO.
Ang sino mang magpatupad pa rin ng ENDO ay mapapatawan ng parusang pagkansela sa ‘certificate of registration’ ng kompanya,
Habang ang obrero na nabiktima ng ENDO ay magiging regular employee at ipagkakaloob sa kanya ang lahat ng benepisyong dapat niyang matanggap.
( ROSE NOVENARIO )