PAIIMBESTIGAHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ulat na tinulungan ni dating Zambales Gov. Hermogenes Ebdane ang China para matambakan ng lupa upang maangkin ang Panatag (Scarborough) Shoal na sakop ng Masinloc, Zambales at bahagi ng West Philippine Sea (WPS).
Buo aniya ang kanyang suporta kay Environment Secretary Gina Lopez kay ipasisiyasat niya ang isiniwalat ni Zambales Governor Amor Deloso na pinayagan ni Ebdane na magbenta sa China ng lupa at malalaking bato mula sa tatlong bundok ng lalawigan na ginagamit sa reclamation projects sa Panatag Shoal.
“Yes, Gina Lopez has my full support,” ayon sa Pangulo kung paiimbestigahan si Ebdane, sa media interview sa Rizal Hall ng Palasyo kahapon.
“You sell your country to the dog, oppressing the people ,” sabi niya.
Nauna nang sinuspinde ni Deloso ang mining permits sa kanilang lalawigan.
Sa naging desisyon ng Permanent Court of Abitration (PCA) ay idineklara na sakop ng 200-mile exclusive economic zone ng Filipinas ang mga teritoryong inaangkin ng China sa WPS.
Ipinabubusisi rin niya kay Lopez ang pagkakasangkot ni Eric Gutierrez, may-ari ng mining firm na SR Metals Inc., sa black sand mining sa Agusan del Norte.
Si Gutierrez ay isa sa mga campaign donor ni Liberal Party presidential bet Mar Roxas at kasosyo ni Caloocan City Rep. Edgar Erice.
Nagbanta ang Pangulo na ibabaon niya sa butas ng mining pit ang mining executives kapag napatunayan na sangkot sila sa illegal mining.
( ROSE NOVENARIO )