KAILANGANG managot ang sino mang Filipino na tumulong sa China para matambakan ng lupa para maangkin ang Panatag (Scarborough) Shoal na sakop ng Masinloc, Zambales at bahagi ng West Philippine Sea (WPS).
Ito ang pahayag ni Presidential Spokesman Ernesto Abella kaugnay sa ibinunyag ni Zambales Governor Amor Deloso na pinayagan ni dating Governor Hermogenes Ebdane na magbenta sa China ng lupa at malalaking bato mula sa tatlong bundok ng lalawigan na ginagamit sa reclamation projects nito sa Panatag Shoal.
Bagama’t hindi aniya prayoridad sa ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing usapin, tiniyak ni Abella na pananagutin ng Palasyo ang ‘nagtraydor’ sa ating bansa.
“President Duterte at this stage is interested in moving forward. And on the other hand, like he said, those who are guilty would have to face the music. But he is allowing the process to take its own rhythm,” sabi niya.
Napag-alaman, sinuspinde na ni Deloso ang mining permits sa kanyang lalawigan.
( ROSE NOVENARIO )