INIANUNSIYO ni Tourism Sec. Wanda Teo ang pagdaraos ng Miss Universe sa Filipinas sa Enero 30, 2017.
Napag-alaman, ito ang agenda na isinakatuparan ni 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach sa kanyang pagbabalik sa bansa at courtesy call kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang kamakailan.
Ipinaabot ni Pia kay Duterte ang pagnanais na matuloy ang kanyang proposal na ang Filipinas ang maging host country ng prestihiyosong beauty pageant.
Ang mga pribadong sektor ang magsisilbing sponsor at magbibigay ng pinansyal na suporta rito dahil kakailanganin ng $12 milyon o katumbas nang mahigit P500 milyon ang kailangan gastusin para sa event.
Malaking boost aniya para sa ekonomiya ng bansa ang pagdaraos ng Miss Universe kaya maigting ang determinasyon ni Pia at Teo na sa Filipinas ito masaksihan ng buong mundo.
Unang naiulat na posibleng masaksihan ang pagpapasa ng 26-anyos Cagayan de Oro beauty ng kanyang korona sa MOA Arena o kaya’y sa Philippine Arena.
Habang sa Boracay, Palawan at Cebu gaganapin ang pre-pageant activities ng mga kandidata.
Magugunitang huling nag-host ng Miss Universe pageant ang bansa noong 1994 at ang nanalo noon ay si Sushmita Sen ng India.