BACOLOD CITY – Patay ang apat drug personalities nang lumaban sa operasyon ng pulisya sa Negros Occidental dakong 12:50 am kahapon.
Kinilala ang dalawa sa apat na namatay na sina Andrew Tuvilla at Jun-Jun Lanzar, residente ng Brgy. Miranda, Pontevedra, No. 1 at No. 2 sa drug watchlist ng Pontevedra Municipal Police Station.
Samantala, patuloy pang inaalam ang pagkakilanlan ng dalawang iba pa na bumibili ng droga sa bahay ni Tuvilla na nagsisilbing drug den.
Ayon kay Provincial Anti-Illegal Drug Special Operations Task Group Head, Chief Insp. Mark Anthony Darroca, unang nagpaputok ang mga suspek nang makatunog na pulis ang bumili sa kanila ng shabu kaya nagkaroon ng palitan ng putok.
2 PATAY SA BUY-BUST OPS SA ZAMBOANGA
ZAMBOANGA CITY – Dalawang hinihinalang drug pusher ang napatay nang mauwi sa shootout ang magkahiwalay na buy bust operation sa Zamboanga City.
Ayon kay Chief Insp. Helen Galvez, dakong 5:00 am kahapon nang maganap ang insidente sa Purok 3B, Brgy. Recodo.
Bigla aniyang nagpaputok ng baril ang hinihinalang drug pusher na si Ismael Pula alyas Lolong nang mapansin ang mga pulis.
Bunsod nito, binaril ng mga pulis ang suspek nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.
Napatay rin sa palitan ng putok ang isa pang hinihinalang tulak ng droga sa Brgy.Tukbungan na si Reymond Acas Gallardo, 27-anyos.
Nabatid na si Gallardo, kilalang drug pusher sa nasabing barangay, ay pinaputukan din ang mga pulis na nag-udyok sa mga pulis na barilin din siya.
TULAK TIGBAK SA PAG-AGAW NG BARIL SA PARAK
PATAY ang isang suspek sa pagtutulak ng droga makaraan mang-agaw ng baril sa police escort sa Bacoor, Cavite nitong Miyerkoles ng madaling-araw.
Ayon kay Bacoor police chief, Supt. Christopher Olazo, unang nadakip ang suspek na si Melcor Supsupin sa isang buy-bust operation sa Brgy. Talaba I.
Nakuha aniya mula kay Supsupin ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu.
Sakay ng police mobile, dadalhin sana ng mga pulis ang suspek sa ospital para isailalim sa medical check-up.
Ngunit inagaw ang baril ng driver na si SPO1 Ian Matro habang binabaybay ang Molino Road.
Dahil dito, napilitan si PO1 Jimmy Ikan na barilin ang suspek na tumangging sumuko at akma silang papuputukan.
Isinugod sa St. Dominic Hospital si Supsupin ngunit idineklarang dead-on-arrival.