PATULOY ang pagbatikos ng Samahan ng Progresibong Kabataan sa Lungsod ng Quezon kay Vice Mayor Joy Belmonte, dahil sa pagpapainterbyu sa media na ang curfew ordinance na ipinasa ng Sangguniang Panlungsod ay matagumpay gayong may petisyon ang nasabing samahan sa Korte Suprema na humihiling na mag-isyu ng restraining order sa pagpapatupad ng curfew sa Quezon City, Maynila at Navotas.
Sabi ng nasabing grupo, hindi sagot ang curfew para mapanatili ang peace and order sa kanilang siyudad, dahil nitong nakalipas na linggo, sa buwan ng Hulyo mula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte, umabot sa 22 ang kaso ng extra-judicial killings at walang kinalaman ang curfew hour na ipinatutupad.
Speaking of curfew hour, hindi ipinapatupad ‘yan sa lungsod ng Pasay. Sa disoras ng gabi, maraming paslit ang naglipana sa Libertad St., Pasay City.
Walang aksiyon ang DSWD, minsan pinaghuhuli pero ilang araw lang, muling makikita ang mga batang kalye sa nasabing lugar!
DAGDAG SAHOD SA PULIS ‘DI MATUTUPAD
Malabong matuloy ang dagdag-sahod sa mga pulis dahil hindi pa ito kayang ibigay ng gobyerno.
Tanging increase sa kanilang hazard pay ng puwedeng maibigay.
Mismong si Budget Secretary Benjamin Diokno ang nagsabing ang alokasyon umano sa dobleng sahod sa pulisya at sundalo ay hindi naisama sa panukala para sa taon 2017.
Pag-aaralan pang mabuti kung kayang ibigay ang P50,000 sahod ng mga pulis at sundalo pero sa ngayon, malabong maibigay ito.
Posible raw na maibigay ito, isang taon bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte…
Patay kang bata ka! Umaasa pa naman ang mga pulis!
MGA ‘TOLONGGES’ NA TAUHAN NG MMDA
Walang karapatan na hulihin ng ilang tauhan ng MMDA Traffic Enforcers ang nagmamaneho ng mga bagong sasakyan dahil may conduction stickers ang mga bagong sasakyan at ito ang pansamantalang ginagamit bilang plaka at magsisilbing basehan ng color coding.
Dapat ipaliwang ito ng LTO sa MMDA, dahil nagsasakripisyo nang matindi ang may bagong sasakyan.
Alam nang lahat na may problemang kinakaharap ang LTO at hindi kasalanan ng mga may-ari ng bagong sasakyan kung wala pa silang plaka…
KAPAG WALANG BARYA KENDI ANG PANUKLI
May ilang tindahan na ikinakatwiran ay walang barya na panukli sa mamimili kaya kendi ang isinusukli. Labag ito sa Consumers Protection Act.
Hindi puwedeng sabihin ng mga negosyante na walang baryang panukli dahil mismo ang Bangko Sentral ang nagsabi na walang kakulangan sa barya.
Dahil dito, giit ng DTI, patawan ng parusa ang mga negosyante na hindi nagsusukli.
FULL MEAL SA MGA ESTUDYANTE
Kung matutupad ang pagkakaroon ng full meal ang mga estudyante, magandang balita ito!
Noong araw, bata pa ako, ginawa ito sa aming iskul. ‘Yun nga lang Nutriban ang tinapay, may oatmeal at kesong palaman. Minsan ay may gatas pa. Malaking gastos ito para sa gobyerno, pero malaking tulong sa mga estudyante, lalo sa mga magulang na nagbibigay ng baon sa mga anak na estudyante.
Kaysa naman kino-corrupt lang ang pondo ng bayan, mas mainam na gawin ito ng lokal na pamahalaan.
ISUMBONG MO KAY LADY DRAGON – Amor Virata