NAGDEKLARA si Pangulong Rodrigo Duterte ng unilateral ceasefire sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Inihayag ito ni Duterte bago ang joint session ng Kongreso sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA).
“I am announcing a unilateral ceasefire with the CPP-NPA-NDF effective immediately,” aniya.
Dagdag niya, “I expect and call on our fellow Filipinos in the National Democratic Front and its forces to respond accordingly.”
Nangako si Duterte na kikilos para sa “permanent and lasting peace” bago matapos ang kanyang termino sa 2022.
Samantala, sinabi ni Pangulong Duterte na ipatutupad nang todo ng administrasyong Duterte ang kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) Law upang mabigyan ng tsansa ang mag-asawa na magpasya sa bilang ng mga anak na kaya nilang itaguyod.
Sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA), binigyang-diin ni Duterte, ang implementasyon ng RH Law ang magbibigay daan upang maging produktibo ang mga mamamayan.
Mabibigyan kasi sila aniya ng oportunidad na magdesisyon sa paraan nang pagpaplano ng pamilya batay sa kanilang kakayahan.
“The implementation of the Responsible Parenthood and Reproductive Health Law must be put into full force and effect so that couples, especially the poor, will have freedom of informed choice on the number and spacing of children they can adequately care and provide for, [applause] eventually making them more productive members of the labor force,” ani Duterte.
ni ROSE NOVENARIO
3 PULIS SA SURIGAO DEL NORTE DINUKOT NG NPA
BUTUAN CITY – Nasa red alert status ang buong pulisya ng Surigao del Norte makaraan dukutin ang tatlo nilang pulis at isang non-uniformed personnel (NUP).
Ayon kay SPO4 Noli Magalona ng Malimono-Philippine National Police, dakong 2:15 pm kamakalawa habang nasa barangay fiesta sina PO3 Santiago Lamanilao, PO3 Jerol Bagayas, PO2 Khalib Sinaca at NUP member na si Rodrigo Angub, nang harangin sila ng hinihinalang mga miyembro ng Front Committee 16-B ng New People’s Army (NPA).
Itinali ang mga biktima at dinala sa bukiring bahagi sa nasabing lugar.
Nabatid na muling ini-activate ang Local Crisis Management Committee ng munisipalidad ng Malimono kaugnay sa pangyayari.
4 PATAY SA MILITAR VS NPA SA COMVAL
DAVAO CITY – Nagpapatuloy ang clearing operation ng militar makaraan ang enkwentro ng 66th Infantry Battalion ng Philippine Army at New People’s Army (NPA) sa Sitio Pongpong, Brgy. Andap, New Bataan, Compostela Valley Province kamakalawa.
Napag-alaman, apat ang patay sa nasabing sagupaan, dalawa rito, sa panig ng militar habang dalawa sa hanay ng rebelde sa ilalim ng Guerrilla Front-25 Southern Mindanao Region.
Ginagamot sa Camp Panacan hospital ang isang sundalong nasugatan sa bakbakan.
Ayon ay Captain Alex Cabales ng Civil Military Operations Battalion ng 10th ID PA, tumagal nang 45 minuto ang sagupaan bago umatras ang rebeldeng NPA.
Narekober ng militar sa lugar ng pinangyarihan ang isang AK-47, pinaniniwalaang pagmamay-ari ng mga rebelde.
Hindi muna pinangalanan ng militar ang napatay na dalawang sundalo dahil hindi pa naipaaalam sa pamilya ang nangyari.
Habang nasa funeral parlor ang dalawang namatay na rebeldeng hindi pa nakikilala.