HINDI nakadalo si presidential daughter at Davao City Mayor Inday Sara Duterte sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ng kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pahayag ni Jefry M. Tupas, Davao City Information Officer, pagdating ni Sara sa Maynila kahapon ng umaga ay nagtungo siya sa St. Luke’s Hospital para sa medical check-up ngunit hindi na siya pinaalis ng doctor.
Pinayuhan si Sara ng doctor na magpahinga nang lubos sa loob ng ilang araw ngunit walang dapat ipag-alala dahil nasa mabuting kalagayan ang alkalde.
Sinabi ni Tupas, ang esposo ni Sara na si Atty. Manases Carpio ang naging kinatawan ng First Family imbes ang mayor ng Davao City.
“Mayor Inday Sara is supposed to represent her mother, Elizabeth Zimmerman, and her brothers Vice Mayor Paolo and Sebastian. However, upon her arrival in Manila early morning Monday, Mayor Inday Sara went to St. Luke’s Hospital for a medical check-up. She was advised complete rest at least for a couple of days by her doctor. But there is nothing to worry. The mayor is doing well now,” ani Tupas.
Ikinalungkot aniya ni Sara ang hindi pagdalo sa SONA dahil hindi niya makakapiling ang ama sa napakahalagang okasyon at maipagmamalaking pagkakataon para sa mga Filipino at sa Filipinas.
( ROSE NOVENARIO )