TAMBAK na droga, appliances at deadly weapons muli ang narekober sa panibagong ‘Oplan Galugad’ ng Special Action Force (SAF) sa New Bilibid Prisons (NBP) kamakalawa.
Ito ang ikalawang pagsalakay ng SAF mula nang italaga silang kapalit ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) noong unang bahagi ng Hulyo.
Ayon sa ulat ng mga awtoridad, dose-dosenang cellphone, television, electric fan, DVD player ang narekober sa Quadrant 4 ng Maximum Security Compound.
Bukod sa full battle gear na gayak ng mga pulis, may naka-standby rin na dalawang armoured personnel carrier (APC).
Samantala, hiniling ni NBP chaplain Msgr. Roberto Olaguer kay President Rodrigo Duterte na tingnan ang aniya’y pag-aabuso ng ilang pulis na nakatalaga sa national penitentiary.
Ibinahagi ni Olaguer ang natanggap niyang impormasyon na may mga sinaktang bilanggo kahit walang ginawang kasalanan sa mga tauhan ng SAF.
Kabilang na rito ang isang bumati lamang ng “magandang gabi” sa isang SAF commando ngunit pananakit aniya ang naging tugon sa inmate.
Sa sobrang higpit din aniya ay hindi na maipasok kahit ang mga resetang gamot para sa mga bilanggong may maselang kondisyon.
Maging siya na chaplain ng piitan ay hindi na rin makapasok, kaya hindi na niya alam ang mga pangyayari sa loob ng NBP.