TATLO ang patay habang tatlo ang naaresto sa isinagawang anti-drug operations ng mga pulis nsa Cainta, Rizal nitong Linggo.
Kinilala ni Supt. Marlon Gnilo, hepe ng Cainta Police Station, ang isa sa tatlong napatay na si Navy reservist Jojo Parado, residente ng Sitio Bagong Silang, Brgy. San Juan.
Ayon kay Supt. Gnilo, patungo ang mga pulis na armado ng search warrant, sa bahay ni Parado dakong 5 am nang salubungin sila ng putok ng suspek.
Bunsod nito, gumanti ng putok ang mga pulis na ikinamatay ni Parado.
Sinabi ni Gnilo, isang hindi nakilalang lookout ang nagpaputok ng improvised gun ngunit napatay rin ng mga awtoridad.
Sa hiwalay na pagsalakay sa isa pang bahay ni Parado malapit sa area, napatay rin ng mga pulis ang isa pang hindi nakilalang suspek. Nagpaputok din aniya ang suspek sa mga pulis.
Samantala, naaresto ng mga pulis ang live-in partner ni Parado na si Arlen Templo, itinangging sangkot siya sa ilegal na aktibidad ng kanyang kinakasama.
Ngunit kinompirma niyang sangkot si Parado sa illegal drugs trade at may mga armas.
Sa isa pang operasyon, naaresto ng Cainta police ang isang Elmar Guyab sa pag-iingat ng mga baril at isang Michael Mopera kaugnay sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Hindi sinabi ni Gnilo kung sina Guyab at Mopera ay kasama sa sindikato ni Parado.
Aniya, nagsasagawa pa ng follow-up operations laban sa iba pang mga miyembro ng grupo ni Parado. ( ED MORENO )