SINUSUPORTAHAN ng Malacañang ang panukalang imbestigahan ng Kongreso si Sen. Leila de Lima na dating justice secretary at may hurisdiksyon sa Bureau of Corrections (BuCor).
Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, sa ilalim ng panunungkulan ni De Lima bilang justice secretary, dumami ang mga sangkot sa ilegal na droga at mga nagluluto ng shabu sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).
Ayon kay Atty. Panelo, dapat lang itong maimbestigahan kung bakit namayagpag ang drug lords sa piitan at mapanagot si De Lima.
Mas mahalaga raw itong pagtuunan kaysa hirit ni De Lima na imbestigasyon laban sa serye ng pagpatay ng drug personalities na batay lang sa ispekulasyon.
“Siya nga ang dapat na imbestigahan. Imbes na nagpapa-imbestiga siya doon sa mga media killing na wala naman basis, puro haka-haka lang, siya ang dapat imbesitigahan kung bakit during her watch… during her watch, eh dumami ang naging involved sa drugs. Dumami ang drug lord, tapos iyang Muntinlupa naging factory ng mga drugs. Iyan ang dapat na imbestigahan, and she should be liable for that,” ani Panelo.