ARESTADO ang isang Facebook hacker at dalawa niyang hinihinalang mga kasabwat sa isinagawang entrapment operation ng Anti Cybercrime Unit ng Philippine National Police nitong Biyernes sa Camarin, Caloocan City.
Hulyo a-21 nang makatanggap si alyas “Princess” ng isang mensahe mula sa kanyang kaibigan sa Facebook chat.
Tinatanong siya kung siya ba ang nasa video scandal na sinasabing napanood ng kaibigan. Katabi ng mensahe ang link ng video.
Sa pagtataka ay pinindot ni Princess ang link at laking gulat nang biglang napunta siya sa isang Facebook page na kailangan niyang mag-log-in uli.
Makalipas ang ilang minuto, isinara niya ang nasabing Facebook page. Ngunit muling nag-send ang kaibigan niya ng mensahe na sinasabing tawagan siya sa numero na ibinigay.
Pagtawag ni Princess laking gulat niya nang marinig ang boses ng isang lalaki at sinasabing hawak niya ang mga pribadong litrato at video ng biktima.
Kailangan daw niya magpadala ng P10,000 agad-agad kung hindi ay isasapubliko ng kausap niya ang mga litrato.
Dahil alam ni Princess, mayroon siyang mga litrato roon sa Facebook, napagtanto niyang posibleng na-hack ang kanyang account.
Magdamag na ginugulo ng hacker si Princess at sine-send ang mga larawan sa kasintahan niya. Hanggang sa dumulog sila sa Anti Cyber-crime Unit na tinulungan silang mahuli ang ng hacker.
Sa pamamagitan ng money transfer, natunton ng Anti-Cyber-crime Unit ang tiyuhin ng suspek na si Freddie Valenzuela. Ngunit sinabing inutusan lang daw siya.
Hanggang sa dumating ang hacker na kinilalang si Dredd Clara, 20-anyos IT student.
Umamin siya sa kasalanan at itinuro pa ang isang kaibigang si Reniel Pedimonte na kasama raw niya.
Sa Camp Crame dinala ang nahuling mga suspek.
Ayon kay Dredd, napilitan lang daw siyang gawin ang extortion at pangha-harass.
May nang-hack din daw kasi sa kanyang Facebook account at napag-utusan lang na maghanap ng P10,000 kundi ay ilalabas ang intimate na litrato ng kanyang girlfriend.