NAGPALABAS Ang Sandiganbayan third division ng hold departure order (HDO) laban kay dating Vice President Jejomar Binay at anak na si dating Makati City Mayor Junjun Binay.
Ito ay kaugnay sa kinakaharap ng mag-ama na mga kasong graft, malversation at falsification of public documents dahil sa maanomalyang pagpapatayo ng Makati City Hall building II.
Bukod sa mag-ama, inisyuhan din ng HDO ang 19 iba pang kapwa akusado ng mag-amang Binay sa kasong may kaugnayan sa maanomalyang konstruksiyon ng P2.28-bilyon Makati parking building.
Ngunit inilinaw ng Sandiganbayan, hindi ‘totally banned’ ang mag-amang Binay at 19 iba pa na lumabas ng bansa, kailangan lamang nilang kumuha ng travel permit mula sa kaukulang awtoridad.
Ang HDO ay iniisyu para tiyaking available ang mga akusado kapag kakailanganin silang ipatawag ng korte habang nire-review pa ang kanilang kaso.
Samantala, nilinaw ng Sandiganbayan na pumunta ang mag-amang Binay sa opisina ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang para sa final procedure ng kanilang booking process para sa kanilang piyansa nitong Biyernes at hindi ito courtesy call.
Sa parehong araw din ay personal na naghain ng piyansa ang nakatatandang Binay.
Aabot sa P376,000 ang inilagak na piyansa ni Binay kabilang ang P40,000 para sa kasong malversation, P30,000 para sa bawat bilang ng kasong graft at P24,000 para sa bawat bilang ng kasong falsification of public documents.