Isa ito sa motto ng administrasyong Duterte lalo sa pagpapatupad ng kampanya ng Pangulong Digong laban sa talamak na pagkakalat ng ilegal na droga sa apat na sulok ng bansa.
Saksing buhay naman ang lahat – dahil lahat tablado sa administrasyon, maraming drug pushers, users, drug lords ang nagsusukuan.
Umaabot na nga raw sa 60,000 drug pushers/users ang sumuko. Katunayan maging ang inaakusahang drug lord ay sumuko kay Pangulong Duterte na si Peter Lim pero pinabulaanan niyang isa siyang drug lord at sa halip, isa raw siyang lehitimong negosyante.
Ngunit, binantaan siya ng Pangulo na siya’y papatayin kapag mahuling nagsisinungaling.
Iyan ang Pangulo natin!
Ang motto ni Pangulo ay hindi lamang hanggang Palasyo kundi abot hanggang ibaba o sa Philippine National Police (PNP).
Matatandaan, maging si Chief PNP, Director General Ronald “Bato” Dele Rosa ay nagbitaw din ng ganitong salita – lahat ay sasagasaan – mayaman man, maimpluwensiya man, kabaro man etc.
Lahat ‘ika niya’y may paglalagyan kaya mas mubuti pa’y sumuko na raw sila at huwag manlaban.
Dala-dala rin ni Quezon City Police District director P/Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang motto o direktiba ng hepe ng pambasang pulisya sa pagpapatupad ng pagsugpo ng droga at kriminalidad sa distritong ipinagkatiwala sa kanya sa siyudad ng Quezon.
Lahat sasagasaan, kabaro man o dating kabaro!
Pinatunayan ni Eleazar at ng QCPD ang kautusan nitong nakalipas na nagdaang dalawang linggo. Hindi lang mga street pusher ang naaresto at napatay (matapos manlaban) ng QCPD kundi maging kabaro nila ay tablado o masasabing dating kabaro.
Sa operasyon ng QCPD Talipapa Police Station 3 ni Supt. Victor Pagulayan, sampu ng kanyang mga opisyal at tauhan sa Station Anti-Illegal Drugs (SAID), winakasan nila ang pagtutulak ng droga ni PO3 Ariel Arnaiz ng Barangay Baesa, Quezon City.
Bagamat AWOL si Arnaiz ay masasabing malapit pa rin sa kanya ang ilang taga-Talipapa PS3 dahil matagal-tagal din nilang nakasama sa serbisyo sa nasabing estasyon. Ilan ngang pulis sa PS3 ay naging kumpare ni Arnaiz.
Pero sa kabila ng lahat, tablado sa PS3 si Arnaiz. Hindi lang naaresto si Arnaiz kundi napatay makaraang manlaban sa operasyong ikinasa laban sa kanya.
Iyan ang sinasabi ni Kernel Eleazar na sumusunod siya sa kautusang ‘lahat ay sasagasaan!’
Heto pa ang isa, patay din ang isa pang kilalang pusher na pulis, hindi lang pala pusher kundi isa pa siyang gunner. Aba’y pinakyaw na yata ang lahat.
Awol man ang pulis na si PO3 Pelito Obligacion na dating nakatalaga sa Barangka Marikina Poloice Station, siya ay nagpapakilala pa rin na isang pulis pero ginagamit sa ilegal niyang aktibidad.
Kaya base pa rin sa direktiba ni S/Supt. Eleazar sa kanyang mga commander, nagsagawa ng operasyon ang tropa ng PS3 laban kay Obligacion nang makatanggap ng info ang PS 3 na may magaganap na drug transaction sa Dingle St., Barangay Pasong Tamo, QC na kinasasangkutan ni Obligacion, nitong Hulyo 15, 2016.
Sa pagresponde ng Talipapa PS3 sa lugar, naispatan nila si Obligacion sa aktong nagbebenta ng droga. Nang mamataan ni Obligacion ang paparating na mga pulis, pinaputukan niya kaya napilitang gumanti ang mga tropa ni Pagulayan na nagresulta sa pagkamatay ng dating pulis.
Tulad nga ng nabanggit, muling pinatunayan ng QCPD o ni S/Supt. Eleazar base sa direktiba ni NCRPO director Chief Supt. Oscar Albayalde, lahat ay dapat sagasaan sa giyera laban sa droga. Walang pulis-pulis.
S/Supt. Eleazar, Supt. Pagulayan, sampu ng inyong mga tauhan sa SAID, talagang pinanindigan ninyo ang inyong sinumpaang tungkulin para sa bayan.
Congratulations!
Abangan, may dalawa pang aktibong pulis QC, huli ng QCPD.
AKSYON AGAD – Almar Danguilan