KASAMA ang Maguindanao massacre sa mga kasong rerepasohin nang itatatag na Presidential Task Force on Media Killings, ayon sa Malacañang.
Sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar, irerekomenda ng naturang task force kay Pangulong Rodrigo Duterte na repasohin ang mga nakaraang kaso nang pagpatay sa mga taga-media upang maigawad ang hustisya sa pamilya ng mga biktima.
Tapos na aniya ang draft para sa administrative order na magtatatag sa task force at kapag nilagdaan ni Pangulong Duterte ay sisimulan na ang pagsisiyasat at matutuklasan na rin ang ugat sa media killings.
Halos pitong taon nang nililitis ang Maguindanao massacre case na ikinamatay nang mahigit 50 katao kabilang ang 30 kagawad ng media na pinaniniwalaang kagagawan ng pamilya Ampatuan.
( ROSE NOVENARIO )