HINIMOK ni Sen. Antonio Trillanes IV ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kompiskahin at gawing drug treatment at rehabilitation facility ang binansagang Hacienda Binay sa lalawigan ng Batangas.
Ito ang nakikitang solusyon ni Trillanes dahil sa dami ng sumusukong drug personalities bunga nang pinaigting na kampanya laban sa illegal drugs.
Matatandaan, maging ang local officials ay hindi malaman kung saan dadalhin ang kanilang mga kababayang dating drug users na nais magpa-rehab dahil sa dami nila.
Kaya naman, naisip ni Trillanes na gamitin na lamang ang 350 ektarya ng lupa sa Batangas na iniugnay kay dating Vice President Jejomar Binay para gawing rehabilitation center.
Sa ganito kalawak na lugar aniya ay maraming drug users ang mabibigyan ng bagong buhay.
Matatandaan, sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon sub-committee, lumabas ang anggulong napunta sa hacienda ang malaking halagang inilaan sa pagpapatayo ng ilang proyekto sa lungsod ng Makati, sa ilalim ng pamumuno ni VP Binay at ng kanyang anak na si dating Mayor Junjun Binay.
Bagama’t itinanggi ito ng kampo ng dating bise presidente, nakitaan ng probable cause ng Ombudsman ang reklamo kay dating VP Binay at iba pang respondents ukol sa overpriced Makati parking building kaya isinampa na nitong nakaraang linggo ang reklamo sa Sandiganbayan.
Nakapaglagak ng piyansa ang dating pangalawang pangulo na aabot sa P376,000 kaya mananatili siyang malaya habang dinidinig ang kaso.