MASAYA sa kasalukuyang relasyon niya si Bela Padilla sa producer/businessman na si Neil Arce. Pero hindi naman siya nahirapan para gawin ang Camp Sawi na handog ng Viva Films at N2 Productionsdahil minsan na rin naman siyang nakaranas masawi. Ito ay ‘yung sa unang relasyon niya bagamat hindi naman iyon sobrang masakit.
Ginagampanan ni Bela ang papel ni Brigette, na umabot sa 10 taon ang pakikipagrelasyon hanggang sa nagising na siyang tapos na pala iyon. Kaya medyo mabigat ang pinagdaanan niya. Bale siya ang magbubukas papasok sa Camp Sawi. Very relatable, normal girl na isang bank teller. Very simple na tao na biglang nasawi. Kaya naging malaking problema kung paano iaayos ang sarili matapos ang heartbrake.
Si Dennis Trillo ang gumaganap na BF niya na malaki ang pasasalamat ng aktres bagamat cameo role lang ang ginawa ng binata. Ini-request daw niya si Dennis para maging kapareha.
“Comfortable na kasi ako sa kanya, nakailang project na kami together. At saka kailangan Chinese guy ang BF ko rito kaya siya ang ini-request ko. And ‘yun ang isa sa magiging conflict ng story namin.
“Siguro yung past two projects na ginawa namin ang lakas ng feedback so, siya ang sinabi ko. Kailangan kasi first scene makita agad ang chemistry kasi magbi-break na sa agad eh.
“So kung pipili ako ng katrabaho na first time pa lang at doon pa lang kami mag-e-experiment o magbi-build-up ng chemistry, baka mahirapan lahat. Doon na ako sa alam kong sure.”
So ibig sabihin gusto mo pa ring makapareha si Dennis sa iba pang project mo?
“Puwede kung willing siya. Kung pwede rin siya at kung okey sa kanya. Madaling katrabaho kasi si Dennis. Lagi siyang prepared pagdating sa set. Parehas kaming maagang dumarating sa set. Walang hassle. Alam mong nirerespeto niya oras mo, alam niyang preparado na kayo pareho.”
Sinabi pa ni Bela na kahit si Neil ay nagsasabing maganda ang chemistry nila ni Dennis. ”Isa rin si Neil sa nagsasabi na isa si Dennis sa nakita niyang maganda kami together sa screen. Very open si Neil sa ganyan. Kahit si Coco (Martin), maganda rin ang eksena namin together.
“Hindi lang puwede si Coco rito kasi ang kailangan nga namin ay Chinese at everyday din ang taping ng ‘FPJ’s Ang Probinsyano’.
Samantala, isa sa pinakamabigat na istorya ang kay Brigette sa Camp Sawi na ani Bela ay ipakikita nila ang iba’t ibang klase ng pain.
Aniya, may kaunting comedy ang ginagampanan niyang papel na may heavy drama. ”Natutuwa nga ako na naiba naman at naka-try ng iba. “’Yung story all together kung dati puro drama ang tinatanggap ko ngayon comedy naman. I was able to try something new na hindi pa ako nabibigyan ng chance na gawin sa TV or film. Ngayon mas nakahinga ako sa umpisa lang medyo mabigat.”
Malaking tulong sa kanya na kilala at nakatrabaho na niya ang director nilang si Irene Villamor dahil ito ang assistant director sa ilang pelikula niyang nagawa tulad ng 10,000 Hours. ”Magaling kasing mag-motivate si direk Irene, magaling siyang magdala sa role na gagampanan mo,” anito.
Bukod kina Bela, Arci Munoz, Kim Molina, bida rin sa Camp Sawisina Andi Eigenmann, Yassi Pressman, at Sam Milby.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio