ILOILO CITY – Personal na iprinesenta ni Melvin “Boyet” Odicta sa Iloilo City Police Office ang kanyang sarili bilang pagsuko sa Oplan Tokhang ng PNP kamakalawa.
Si Odicta ay unang pinangalanan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bilang big time drug lord at pinuno ng Odicta drug syndicate sa lungsod na nakabase sa Tanza Esperanza at Malipayon sa Iloilo City proper.
Kagaya ng iba pang mga sumuko, pumirma rin siya ng ‘affidavit of undertaking,’
Kasama ni Odicta sa pagsuko sa mga awtoridad ang asawa niyang si Meriam, anak na si Melvin Odicta, Jr. at dalawang mga abogado.
Bukod kay Odicta, una nang sumuko ang iba pang watchlisted sa Iloilo City kagaya ng mga kasapi ng tinaguriang Prevendido group ng Bakhaw Mandurriao, Iloilo City.
1 PATAY, 3 ARESTADO SA DRUG RAID SA NORTH COTABATO
COTABATO CITY – Isa ang patay, tatlo ang naaresto, habang nakatakas sa mga awtoridad ang isang barangay official na hinihinalang drug dealer sa inilunsad na “Oplan double barrel” sa probinsya ng Cotabato kamakalawa.
Kinilala ang namatay na si Areen Kulilong, habang tatlo sa mga kasamahan niya ang nahuli sa Brgy. Tugal, Midsayap, North Cotabato.
Ayon kay Midsayap chief of police, Supt. Tom Tuzon, ni-raid nang pinagsanib na puwersa ng PNP-Special Action Force, North Cotabato PNP at PNP-12 Regional Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Group sa pangunguna ni Supt Maximo Sebastian, ang bahay ni Brgy. Kapitan Peng Kulilong sa Brgy. Tugal sa bayan ng Midsayap.
Ngunit papalapit pa lamang ang raiding team sa bahay ni Kulilong ay pinaputukan na sila ng armadong kalalakihan.
Namatay sa insidente si Areen Kulilong na pamangkin ni Kapitan Peng Kulilong, habang tatlo sa mga tauhan ang nahuli.
2 DRUG PUSHER ITINUMBA SA LA TRINIDAD
BENGUET – Patay ang dalawang lalaking kabilang sa La Trinidad, Benguet’s drug watchlist makaraan pagbabariliin ng hindi nakilalang mga suspek sa magkahiwalay na insidente nitong Huwebes ng gabi.
Ayon sa pulisya, unang napatay ng mga suspek si James Batawa Sitio Toyong, Pico.
Lulan si Batawa ng kanyang motorsiklo nang ilang beses na pagbabarilin.
Bago tumakas, nag-iwan ang mga suspek ng karton na may nakasulat na katagang “Huwag niyo akong tularan ako’y isang tulak.”
Sugatan din ang isang 24-anyos estudyante na lulan ng AUV nang maganap ang insidente.
Makaraan ang ilang oras, namatay si Noel Bisaya makaraan pagbabarilin ng hindi nakilalang mga lalaking lulan ng itim na SUV sa Upper Shilan.