COTABATO CITY – Sampu katao ang patay habang 12 ang sugatan sa sagupaan ng militar at mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa bayan ng Shariff Aguak at Datu Unsay, Maguindanao kamakalawa.
Ito ang kinompirma ni 34th Infantry Battalion Philippine Army commanding officer Lt/Col. Edgar Delos Reyes.
Sinabi ni Delos Reyes, siyam miyembro ng BIFF ang namatay, 10 ang nasugatan, habang isang sibilyan din ang binawian ng buhay nang tamaan ng ligaw na bala.
Habang dalawa ang nasugatan sa panig ng militar.
Bago ito, pinaputukan ng BIFF sa pangunguna nina Komander Bungos at Kagi Karialan, ang nagpapatrolyang mga tauhan ng 34th IB sa Brgy. Meta, Datu Unsay, Maguindanao.
Sinundan ito nang pagsalakay ng BIFF sa pangunguna ni Komander Rocky, sa detachment ng 19th Infantry Battalion Philippine Army sa Brgy. Kuloy, Shariff Aguak, Maguindanao.
Tumagal nang halos isang araw ang enkwentro dahilan kaya lumikas ang maraming sibilyan sa pangambang maipit sa kaguluhan.
Umatras ang mga rebelde nang bombahin sila ng militar gamit ang 105mm Howitzers cannon at air assault mula sa dalawang MG-520 attack helicopters ng Philippine Air Force (PAF).
Ngunit inilinaw ni Bangsamoro Islamic Freedom Movement (BIFM) Spokesman Abu Misry Mama, walang namatay sa kanilang panig maliban sa dalawang sugatan.