HINAMON ng barilan ni PNP chief, Director General Ronald dela Rosa ang mga vigilante na walang habas na pumapatay sa hinihinalang drug personalities nitong nakaraang mga araw.
Patunay aniya ito ng kanyang galit sa vigilantism o summary killings.
Ayon kay Dela Rosa, matapang lang ang sinasabing mga vigilante sa pagpatay ng mga inidibidwal na nakatali ang kamay, nakabusal ang bibig at nakapiring ang mata at saka binabaril sa ulo.
Payag daw siya na makipag-tuos sa limang vigilante at sabay-sabay silang bubunot ng baril.
Alam aniya ng publiko na mali ang paggamit at pagtutulak ng droga, ngunit mali rin aniya ang basta-bastang pagpatay sa mga drug suspect.
Giit ng PNP chief, hindi maitatama ng isang mali ang isa pang pagkakamali.