WALA pang natatanggap na report ang Konsulada ng Filipinas kaugnay sa nadamay na mga Filipino sa nangyaring truck attack sa Nice, France.
Ayon kay Consul Gen. Aileen Mendiola-Rau, wala pang ipinalalabas na official tally ng mga pangalan at nationality ang crisis committee ng French government kung kaya’t masyado pa raw maaga upang sabihin kung may nadamay na Filipino.
“Wala pa silang (French government) na ibinibigay na pangalan at nationality ng lahat ng mga fatality at injured. Mahirap magsabi ngayon kung may mga Filipino o wala,” paliwanag ni Rau.
Taliwas ito sa unang naglabasang balita na isa raw nating kababayan ang nadamay sa terror attack.
Kasunod nito, humingi ng pang-unawa si Rau sa iba’t ibang bansa na maunawaan ang kasalukuyang sitwasyon ngayon ng pamahalaan ng France.
Aniya, hindi madali ang pinagdadaanan ng France kaya hindi agad makapagbigay nang tamang tally ng pagkakakilanlan at nationality ng mga biktima bagama’t agad daw ipagbibigay-alam sa kanila ang resulta ng lahat ng mga sangkot sa terror attack.
Ayon sa Konsulada ay ilang daang Filipino ang naninirahan sa Nice na ang ilan ay nagtatrabaho bilang mga kasambahay
Samantala, umabot na sa 84 katao ang patay habang 100 ang sugatan makaraang araruhin ng isang truck ang mga taong nanonood ng fireworks display sa Nice, France.
Kasabay ito ng selebrasyon ng Bastille Day o independence day sa bansa.
Nangyari ang insidente sa sikat na Promenade des Anglais.
Ayon sa mga testigo, halos dalawang kilometro ang itinakbo ng dambuhalang truck sa gitna ng crowd.
Habang inaararo ang mga tao ay lalong bumilis ang takbo nito.
Nagkalat ang katawan ng tao sa lansangan na halos dinurog ng truck.
Nagkaroon ng palitan ng putok ang mga awtoridad at driver ng truck kaya napatay ang suspek.
Batay sa initial reports, narekober mula sa truck ang mga armas, bala at mga bomba.