HINDI pa man naipalalabas sa telebisyon, umani na ng mga papuri at libo-libong views ang Twitter-trending na teaser trailer online ng The Greatest Love na isang family drama ukol sa pambihirang pagmamahal ng ina sa kanyang mga anak.
Nakagugulat naman talaga ang trailer at tagos sa puso ang twist ng istoryang pagbibidahan ni Sylvia Sanchez na sa gitna ng pagtatalo ng mga anak, biglang nawala ang alaala niya at hindi matandaan kung sino ang mga anak na nasa harap niya.
Kasama rin sa The Greatest Love sina Nonie Buencamino, Rommel Padilla, Dimples Romana, Matt Evans, Arron Villaflor, at Andi Eigenmann.
Gagampanan ni Sylvia ang papel na Gloria, isang babaeng handang ibigay ang lahat para sa kanyang minamahal kahit na ang kapalit nito ay ang sariling kaligayahan.
Sa grand presscon ng The Greatest Love noong Huwebes ng gabi, hindi kataka-takang maluha-luha si Sylvia nang tawagin ang kanyang pangalan dahil sa totoo lang, matagal niyang hinintay ang pagbibida na nararapat lang naman sa kanya.
Magaling na drama actress si Sylvia at tiyak na marami ang makare-relate sa istoryang ihahatid nila handog ng ABS-CBN at idinirehe ninaDado Lumibao at Mervyn Brondial na kinunan pa sa probinsiya ng Quirino.
Ayon sa creative manager ng serye at legendary writer na si Ricky Lee, ang The Greatest Love ay hindi lamang tungkol sa kondisyon sa utak ni Gloria, kundi pati na rin sa maituturing na “dementia” ng kanyang mga anak.
Kasama rin dito sina Ellen Adarna, Ejay Falcon, Junjun Quintana, Tonton Gutierrez, Alec Bovic, at Joshua Garcia.
Si Megastar Sharon Cuneta naman ang umawit ng opisyal na theme song nitong The Greatest Love of All kasama ang ABS-CBN Philharmonic Orchestra. Ito ang kauna-unahang pagkakataong nag-record ang Megastar ng bagong bersiyon ng isang awitin para sa isang teleserye.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio