HINDI pulis ang pumapatay sa lahat ng mga personalidad na sangkot sa ilegal na droga, ito ang binigyang diin ng pambansang pulisya kahapon.
Ayon kay PNP chief, Director General Ronald Dela Rosa, dahil sa pinaigting na kampanya ng PNP laban sa illegal drugs ay hindi na maibenta pa ng mga distributor ang shabu.
Sinabi ni Dela Rosa, ito ang dahilan kung bakit hindi na rin makabayad ang mga pusher sa mga sindikato kung kaya’t kanila na lamang ipinapapatay.
Inihalimbawa ng PNP chief ang isang pusher na sumuko sa kanya kamakalawa at inamin na ipinapapatay na siya ng isang drug lord na nakakulong ngayon sa New Bilibid Prison (NBP).
Sinabi pa ng heneral, hindi maaaring ibintang sa mga pulis ang lahat nang napapatay na drug personalities dahil ‘legitimate’ ang kanilang isinasagawang operasyon.
“They’re killing each other yung ibang distributor, hindi na nakakabayad kaya ngayon yung ibang nandoon nakakulong sa Bilibid, tatawagan nila yung mga hitman nila sa labas na patayin ito si distributor na ito dahil hindi na nagre-remit sa atin,” pahayag ni Dela Rosa.
Paglilinaw ni Dela Rosa, ang nangyayaring mga patayan ngayon lalo na ang salvaging o summarry execution ay kagagawan ng drug syndicates.
“Ang pulis naman ang ginagawa nila is legitimate operations. Pero yung gumagawa ng mga patayan na salvage salvage, tapon dito tapon doon ‘yan ang kagagawan ng mga drug syndicates,” wika ni PNP chief Dela Rosa.