PATULOY sa pagtaas ang bilang ng mga napapatay at sumusukong drug suspects.
Batay sa inilabas na datos ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) mula Mayo 10 hanggang Hulyo 10 ng kasalukuyang taon, pumalo na sa 192 ang napapatay.
Pinakamaraming naitala sa Region 4-A na nasa 57, sinundan ito ng Region 3 na nasa 46, at pumapangatlo ang National Capital Region Police Office (NCRPO).
Nasa 8,110 ang naaresto habang 35,276 ang boluntaryong sumuko sa mga awtoridad sa nakaraang dalawang buwan.
Sa kabilang dako, nasa 6,478 ang kabuuang nasampahan na ng kaso ng PNP na may kaugnayan sa paglabag sa R. A. 9165.
Samantala, pito ang natagpuang patay kahapon sa Metro Manila mula 4:00 am hanggang 7:30 am.
Lima rito ang mula sa Eastern Manila na sakop ng lugar ng Pasig, San Juan at Mandaluyong habang tig-isa sa Maynila at Quezon City.
Niresbakan ng drug pushers
POLICE ASSET ITINUMBA SA PARAÑAQUE
HINIHINALANG niresbakan nang itinuro niyang mga drug pusher ang isang police asset na binaril hanggang mapatay ng dalawang hindi nakilalang riding in tandem suspects nitong Miyerkoles ng gabi sa Parañaque City.
Namatay noon din ang biktimang si Roberto Frias, alyas Bong, ng Peru St., Brgy. Don Bosco ng lungsod.
Base sa inisyal na ulat ng pulisya, natagpuang wala nang buhay ang biktima sa tapat ng isang tindahan sa Peru St., Brgy. Don Bosco dakong 8:20 pm kamakalawa.
( JAJA GARCIA )
KELOT TODAS SA BUY-BUST SA TONDO
PATAY ang isang lalaki nang manlaban sa mga awtoridad na umaresto sa kanya sa isinagawang buy-bust operation sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Apat tama ng bala ang tumapos sa buhay ng suspek na si alyas Akmad, tinatayang 30 hanggang 35-anyos.
Ayon sa imbestigasyon ni SPO2 Charles John Duran, naganap ang insidente dakong 4:30 am sa Isla Puting Bato Road sa pagitan ng Gola Gate at Delpan Gate, Pier 2, Tondo sa drug buy-bust operation ngunit nanlaban ang suspek kaya napatay.
( LEONARD BASILIO, may kasamang ulat nina Kimbee Yabut at Joana Cruz )
PUSHER PUMALAG SA ARESTO, PATAY
PATAY ang isang hinihinalang drug pusher nang manlaban sa mga pulis na aaresto sa kanya kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.
Si Danilo Datucana, nasa hustong gulang, residente ng Batimana Compound, Brgy. Marulas ng nasabing lungsod, ay agad namatay sa pinangyarihan ng insidente.
Ayon sa ulat, dakong 8:30 pm, nagsagawa ng “Oplan Tokhang” ang mga pulis at nang tunguhin ang bahay ng suspek ay pinaputukan ang mga awtoridad.
Bunsod nito, gumanti ng putok ang mga pulis na ikinamatay ng suspek.
( ROMMEL SALES )
3 PATAY SA ANTI-ILLEGAL DRUG RAID SA BATAAN
TATLO ang patay sa magkahiwalay na anti-illegal drugs operation ng mga awtoridad sa lalawigan ng Bataan.
Sa report ng Bataan PNP, naitala ang unang insidente pasado 5:00 pm kamakalawa sa Brgy. Pagalanggang, Dinalupihan, ikinamatay ng dalawang miyembro ng Cayanan brothers robbery hold up and drug group.
Kinilala ang namatay na dalawang suspek na sina Reynaldo Cayanan alias David, itinuturing na top one drug personality sa Dinalupihan municipal police station, at Arnel Cayanan.
Sa kabilang dako sa bayan ng Hermosa partikular sa Brgy. Culis, napatay sa operasyon dakong 10:00 pm ang isang hinihinalang tulak na si alyas Aba. Sinabi sa ulat, napatay si Aba nang lumaban sa mga pulis.
2 TULAK LUMABAN SA PARAK, TIGBAK
DALAWANG hinihinalang mga tulak ng droga ang napatay sa buy-bust operation nang manlaban sa mga pulis sa Antipolo City nitong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ang mga biktimang sina alyas na Bong at Dennis Palaka.
Sa listahan ng pulisya, notoryus ang dalawa bilang mga drug pusher at holdaper na nag-o-operate sa Antipolo at Quezon City.
Napatay sila makaraan makaharap ang mga pulis ng Antipolo sa drug buy-bust operation sa Brgy. Sta. Cruz.
Ngunit nakatakas ang dalawa nilang kasama lulan ng isang taxi bilang getaway vehicle.
( ED MORENO )
DRUG PUSHER/RAPIST PATAY SA RATRAT NG TANDEM
CAMP OLIVAS, Pampanga – Patay ang isang hinihinalang drug pusher at suspek sa panggagahasa makaraan pagbabarilin ng dalawang lalaking lulan ng motorsiklo kamakalawa sa Brgy. Lagundi, sa bayan ng Mexico.
Agad binawian ng buhay ang suspek na si Romeo Villanueva, 45, nasa anti-illegal drug watchlist ng pulisya, at may kasong panggagahasa.
Bago tumakas, sinabitan ang bangkay ng biktima ng mga suspek ng karton na may katagang “Huwag ninyo akong tularan, rapist at pusher ako”.
( LEONY AREVALO )