Tiniyak ni PNP chief, Director General Ronald dela Rosa, hindi mababawasan sa kanilang imbentaryo ang drogang kanilang nakompiska sa serye ng anti-illegal drug operations na kanilang inilunsad.
Siniguro ni Dela Rosa, matitinong mga pulis ang kanilang itinalaga lalo na sa anti-illegal drug campaign.
Binigyang-diin ng PNP chief, sinibak na niya sa puwesto ang mga pulis na kilalang nagre-recycle ng mga droga at ipinatapon sa Mindanao.
Nagbabala si Dela Rosa sa mga pulis na magtatangkang i-recycle ang mga nakompiskang droga na sila ay mananagot.
Aniya, zero tolerance sa drugs ang kanyang ipinaiiral lalo sa hanay ng PNP.
Pahayag ni Dela Rosa, ipinasisiguro niya sa regional police directors na ang itatalagang mga tauhan sa anti-drug unit ay mga pulis na walang bahid o hindi sangkot sa ilegal na gawain.
Bilin ng PNP chief sa kanyang mga opisyal, sa sandaling may mapansin siya sa kanilang mga tauhan na nasisilaw na sa pera ay agad tatanggalin at hindi hahayaan pang ma-contaminate ang anti-drug units.
Aniya, hindi siya mag-aatubiling tanggalin ang mga pulis na nasisilaw sa pera at gumagawa ng ilegal na gawain. Kahapon, nasa P1.77 bilyon halaga ng droga ang sinunog ng PDEA.