CEBU CITY – Bunsod ng takot at pressure sa pamilya, sumuko ang dating TV actor at singer na si Jay-R Siaboc sa pulisya sa lungsod ng Toledo, Cebu makaraan ang inilunsad na Oplan Tokhang.
Ayon kay Supt. Samuel Mina, hepe ng Toledo City Police, boluntaryong sumuko sa kanilang tanggapan ang dating matinee idol.
Sinabi ni Mina, seguridad ang iniisip ni Jay-R kaya sumuko na sa pulisya.
Sa tactical interrogation, inamin ni Jay-R na gumagamit siya ng droga ngunit hindi siya nagtutulak.
Ngunit masusing nagsasagawa pa nang malalimang pagsisiyasat ang mga awtoridad bunsod nang natanggap na impormasyong hindi lamang user si Jay-R.
Magugunitang sumikat si Jay-R sa isang TV reality show at naging first runner-up kasabay ng “grand star dreamer” na si Yeng Constantino.
Panglima siya sa magkakapatid at lumaki sa isang mahirap na pamilya.
Iniwan niya ang high school para pumasok sa isang banda hanggang sa sumikat sa pagkanta at pag-arte sa telebisyon.
Pinasikat ni Jay-R ang mga awiting “Hiling,” “May tama din ako” at iba pa.