BEIJING – Nagpahiwatig ang China na handa silang makipagnegosasyon sa Filipinas makaraan ang inilabas na desisyon ng Permanent Court of Arbitration na walang basehan ang claim ng Beijing sa pinag-aagawang mga teritoryo sa West Philippine Sea o South China Sea.
Ito’y kahit nanggagalaiti ang China sa desisyong inilabas ng Arbitral Tribunal na kanilang tinawag na ‘null and void.’
Ayon kay Chinese Foreign Minister Wang Yi, sa paglabas ng desisyon, natapos na rin ang aniya’y walang silbing arbitration.
Sinabi ni Chinese President Xi Jinping, hindi nila tinatanggap ang desisyon at ano mang mungkahing aksiyon kaugnay sa desisyon ng tribunal.
Ayon kay Xi, hindi maaapektohan ang kanilang soberanya at maritime interests sa South China Sea, sa desisyon ng tribunal.
Bagama’t handa aniya ang China na resolbahin ang maritime dispute sa mapayapang paraan para mapanatili ang kapayapaan sa West Philippine Sea.
Ayon kay Chinese Premier Li Kiqiang, kanilang pinoprotektahan ang international law kaya hindi kinikilala ang desisyon ng tribunal.
Xinhua News
POSISYON NG PH SA BILATERAL TALKS LALAKAS
TIWALA ang Department of Foreign Affairs (DFA) na matutuloy rin ang bilateral talks ng Filipinas at China kasunod nang ipinalabas na desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon kay DFA Spokesperson Charles Jose, dahil pumabor ang desisyon sa Filipinas mas malakas ang posisyon ng bansa kapag isinagawa ang pag-uusap.
Sa ngayon, ang kailangan ay pag-aralang mabuti ng Solicitor General ang desisyon ng UN Tribunal para makapagsumite nang magandang hakbang na gagawin ang pamahalaan.
Mayroon aniyang limang araw ang SolGen para pag-aralan ang hakbang upang maayos na makamit ng Filipinas ang karapatan sa pagmamay-ari sa mga isla.
CHINA DAPAT KAUSAPIN NG PH SA PROTOCOL
HINIMOK ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na agad makipag-usap ang gobyerno ng Filipinas sa China para payagan ang mga Filipino na mangisda sa pinag-aagawang mga teritoryo.
Ayon kay Carpio, sinabi mismo ng tribunal na may karapatan ang bansa at China na mangisda sa lugar kaya’t kailangan itong ipaglaban sa diplomatikong paraan.
Iginiit ng associate justice, kailangan bumuo ang Filipinas at China ng protocol para hindi ipagtabuyan ng Chinese Navy ang mga kababayang nangingisda sa West Philippine Sea.
Panahon na rin aniya para palakasin ng pamahalaan ang Philippine Coast Guard (PCG) na magbabantay sa karagatang sakop ng bansa at suportahan ang mga mangingisda.
“So we will talk to China, establish protocols so we can fish in peace,” ayon sa associate justice na masugid na tagapagtanggol ng Filipinas sa isyu ng West Philippine Sea.
Sa WPH
KAPAKANAN NG MAYORYA TITIYAKIN NG PALASYO
TINIYAK ng Palasyo, ang kapakanan ng lahat ang susunod na magiging hakbang ng Filipinas makaraan magpasya ang Permanent Court of Arbitration (PCA) na pagmamay-ari ng ating bansa ang mga kinamkam na teritoryo ng China sa West Philippine Sea (WPS).
“I am sure that everything will be for the common good especially for those who are directly involved, including the fishermen. But let us wait for the right response and the right time,” ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella.
Nagdaos nang unang consultation meeting si Pangulong Rodrigo Duterte kamakalawa ng gabi sa Malacañang sa mga eksperto sa batas para pag-aralan ang naturang desisyon bago sila mapagpapalabas nang konkretong pahayag .
Kabilang sa international law experts na kinausap ni Pangulong Duterte sina Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justice Francis Jardeleza .
Magugunitang isa si Carpio sa mga dumepensa sa Filipinas sa PCA.
Nakasama rin bilang chief legal counsel ng Filipinas si Jardeleza nang siya’y Solicitor General ng administrasyong Aquino.
Kasama rin sa pulong sa Palasyo si dating Solicitor General Florin Hilbay.
( ROSE NOVENARIO )