CAUAYAN CITY, Isabela – Lima ang patay sa pagtaob ng isang bus dakong 1:30 a.m. kahapon sa Putlan, Caranglan, Nueva Ecija.
Ayon kay Sr. Inspector Adriano Gabriel Jr., hepe ng Caranglan Police Station, apat ang agad nalagutan ng hininga habang isa ang binawian ng buhay sa ospital.
Sinabi ni Insp. Gabriel, ang Victory Liner bus (AYK 552) ay galing sa Tuguegarao City at patungong Metro Manila nang mangyari ang insidente.
Lumabas sa kanilang imbestigasyon na human error o pagkakamali ng driver na si Ryan Manuel, 28, residente ng Rugao, Ilagan City, ang sanhi nang pagtaob ng bus dahil nagkaroon siya ng miscalculation at sa biglang pagpreno ay tumaob ang kanyang minamaneho.
Sa pagtagilid ng bus, tumama ito sa concrete railing ng Department of Public Works and Highways na sanhi ng pagkaipit at pagkamatay ng mga pasahero na kinabibilangan ng walong buwan buntis.
Bukod sa mga namatay, mahigit 20 ang nasugatan at isinugod sa mga ospital sa San Jose City, Nueva Ecija.
Karamihan sa mga nasugatan ay mula sa Cagayan at Isabela na sumakay sa nasabing bus.