KINASUHAN ng Office of the Ombudsman si dating Health Secretary Enrique Ona kasama ang dalawang iba pang opisyal ng Department of Health (DoH) kaugnay sa maanomalyang pagkuha sa hospital modernization project na nagkakahalaga ng P392.2 milyon noong 2012.
Sa nilagdaang resolusyon ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales, iniutos niyang kasuhan sina Ona, dating Health Undersecretary Teodoro Herbosa at dating Assistant Secretary Nicolas Lutero III dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Bukod sa kahaharaping kasong kriminal, nabatid din ng Ombudsman na guilty sina Ona at ang dalawang opisyal sa grave misconduct.
Bagama’t una nang sinibak sa serbisyo at wala na silang kaugyanan sa DoH, sinabi ng Ombudsman na ‘convertible’ sa cash ang kaparusahan sa kanila na katumbas nang aabot sa isang taon sahod.
Bukod dito, wala na silang karapatan na magkaroon ng posisyon sa gobyerno at hindi na makukuha ang kanilang retirement benefits.
Base sa imbestigasyon ng Ombudsman, nakitang nagsabwatan sina Ona, Herbosa, at Lutero na kanselahin ang P392.2 milyong kontrata sa modernization project sa Region 1 Medical Center (R1MC) na iginawad na sa nanalong bidder na kompanya.