TINIYAK ni dating West Philippine Sea Coalition (WPSC) co-convenor Rafael M. Alunan III na matatamo natin ang paborableng desisyon ngayon mula sa Arbitral Tribunal ng United Nations (UN) hinggil sa isinampang kaso ng Filipinas laban sa bansang China.
Naniniwala ang WPSC at ang malayang mundo sa pangunguna ng United States at Japan na susundin ng Arbitral Tribunal ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at babalewain ang 9-dash line ng China dahil dapat harapin at talunin ang anumang banta sa kalayaan at pandaigdig na batas.
“Matinding ipinaglaban natin ang ating karapatan sa West Philippine Sea laban sa pamimirata at armadong agresyon ng China sa loob ng apat na taon. Nag-rally tayo, nagkampanya sa media at sinuportahan natin ang pamahalaan nang sinampahan ang China ng kaso sa harap ng Arbitral Tribunal. Hinarap natin ang masakit na pananalita ng mga Chinese para ipakita na hindi nila tayong maaaring takutin,” ani Alunan.
“Ngunit ngayong Hulyo 12, kailangan na tayong magpalit ng taktika. Dapat tayong luminya sa payo ni Pangulong Duterte na manatiling kalmado at pigilan ang ating emosyon,” giit ni Alunan. “Bilang mga Filipino, dapat tayong kumilos bilang mga edukado at huwag isubsob ang mukha ng China sa putikan. Sa mataas na antas ng diplomasya, dapat iwasan ang ganitong asal.”
Naniniwala si Alunan na malaking kahihiyan ang aabutin ng China sa desisyon ng Arbitral Tribunal dahil kung nakinig lamang ang mga Chinese sa atin at sa mundo na umatras ay hindi sila hahantong sa ganitong sitwasyon.
Iginiit ng dating DILG secretary ni dating pangulong Ramos na sa ganitong uri ng maselang sitwasyon, dapat manguna ang pamahalaan at sumunod lamang ang lipunan.
“Pabayaan nating umalma ang China, wala munang iimik dahil panalo na ang ating posisyon. Pabayaan natin ang ating Pangulo at ang malayang mundo na dumiskarte. Doon sa laot, sigurado ako na kikilos ang malayang mundo na pinangungunahan ng US at Japan,” dagdag ni Alunan.