PATAY ang isang barangay kagawad na sinasabing tulak ng ipinagbabawal na droga makaraan pagbabarilin ng dalawang lalaking lulan ng motorsiklo sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktimang si Alex Simporoso, 44, kagawad ng Brgy. 102 at residente ng 42 Galino St., Brgy. 102, 9th Avenue Extension ng nasabing lungsod.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakilanlan ng dalawang suspek na tumakas lulan ng motorsiklo makaraan ang insidente.
Sa imbestigasyon nina PO3 Noel Bollosa at PO2 Cesar Garcia, naganap ang insidente dakong 1:56 a.m. sa panulukan ng Biglang Awa at Asistio streets sa Brgy. 96 ng nasabing lungsod.
Minamaneho ng biktima ang kanyang tricycle (TX-9343) sa Biglang Awa St., ngunit pagsapit sa panulukan ng Asistio St., bigla siyang hinarang ng mga suspek na lulan ng motorsiklo at siya ay pinagbabaril.
Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang walong basyo ng bala ng hindi nabatid na kalibre ng baril, isang nilamukos na papel na may nakasulat na “Pusher ako ‘wag tularan” at dalawang small plastic sachet ng hinihinalang shabu. ( ROMMEL SALES )
200 DRUG PERSONALITIES SA MUNTINLUPA SUMUKO
MAHIGIT sa 200 pang drug personalities na residente ng Putatan, Muntinlupa City ang boluntaryong sumuko sa tanggapan ni Brgy. Chairman Danilo Teves, sa pinag-ibayong kampanya ng gobyerno para sugpuin ang malaganap na ilegal na droga sa bansa.
“Natatakot kasi akong baka kung ano ang mangyari sa akin, kaya gusto ko na talagang iwasan ang pagsinghot ng shabu at magbenta nito,” ang pahayag ng isang senior citizen na ayaw pakilala.
Kamakailan, tatlong lalaki, dalawa rito ay magkapatid na hinihinalang drug pushers, ang magkasunod na napatay, ayon sa bersiyon ng pulisya ng Muntinlupa, ay lumaban sa isinagawa nilang operasyon.
Habang ayon kay Teves, nangako at nanumpa ang mga sumukong drug users at pushers na magbabagong buhay na sila alang-alang sa kanilang pamilya.
“Tutulungan natin sila na mabigyan ng puhunan sa livelihood program para magamit sa hanapbuhay at ang iba ay susuportahan natin para sa rehabilitation nila,” ayon kay Teves.
Samantala, ipinaiiral din ni Teves ang pagpapatrolya ng mga barangay police sa kanyang nasasakupan upang dakpin ang mga lumalabag sa curfew hour pagsapit nang itinakdang oras at mamantena ang peace and order.
( MANNY ALCALA )
3 pa arestado
‘ROBINHOOD’ NG CORDILLERA PATAY SA ANTI-DRUG OPS
BAGUIO CITY – Patay ang itinuturing na No. 1 most wanted drug personality sa Cordillera sa nangyaring shootout sa M. Roxas, Lower Brookside, Baguio City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang napatay na si Resty Sotero alyas Robinhood, residente ng Itogon, Benguet.
Habang arestado ang mga kasama niyang sina Reservoir Pablo Quelala, 35; Leopoldo Hilario Prigillana, 35; at si Jonard Wansi Manuel, 26-anyos.
Ayon sa mga imbestigador ng Baguio City Police Office, isinilbi ng City Anti-Illegal Drug Special Operation Task Group ang warrant of arrest makaraan silang makatanggap ng impormasyon na nasa lugar ang mga suspek.
Ngunit sinasabing nanlaban si Sotero kaya binaril siya ng mga pulis na nagresulta sa kanyang pagkamatay.
Sinasabing si Sotero ang ikinokonsiderang ‘high profile drug dealer’ at pusher sa rehiyon Cordillera.
Nakatakas siya sa isinagawang search warrant operation ng Criminal Investigation and Detection Group-Cordillera at Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera sa Itogon, Benguet, noong Mayo ng nakaraang taon.
1 PATAY, 2 TIMBOG SA DRUG RAID SA BATAAN
PATAY ang isang hinihinalang drug pusher habang nasakote ang dalawang iba pa sa operasyon ng mga pulis sa Balanga City, Bataan, Linggo ng madaling-araw.
Ayon kay Superintendent Joel Tampis, hepe ng Balanga police, napatay si Louie Santos makaraan makipagbarilan sa mga awtoridad na nagsagawa ng buy-bust operation sa Brgy. Tuyo.
Habang naaresto sina Oliver Baluyot, 45, at Jane Manguera, 25, sinasabing nagbenta ng P1,000 halaga ng shabu sa police asset.
Narekober sa mga suspek ang ilang gramo ng shabu at sari-saring drug paraphernalia.