UMALIS nitong Biyernes ang 135 Filipino peacekeepers na pawang mga miyembro ng Philippine Army patungong Haiti bilang bahagi ng commitment ng bansa sa United Nations (UN).
Mismong si AFP Chief of Staff General Ricardo Visaya ang nanguna sa isinagawang send-off ceremony at sumakay ang mga sundalo sa isang UN-chartered flight sa Villamor Air Base sa Pasay City.
Ayon kay AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, ang Haiti peacekeeping operations ay isa sa pinakamalaking UN deployment ng AFP.
Ito’y makaraan magdesisyon ang Filipinas na i-pull out na ang Filipino peacekeepers sa Liberia bunsod nang outbreak ng Ebola virus at maging sa Golan Heights sa Syria dahil sa mataas na banta ng kaguluhan.
Sinabi ni Padilla, ayaw na ng pamahalaan na maulit ang insidente noong 2014 na binihag ng Syrian rebels ang Filipino peacekeepers.
Ayon kay Padilla, ang Haiti-bound Philippine Army contingent ay binubuo ng 15 officers at 119 enlisted personnel sa ilalim ng pamumuno ni Col. Rosalio Pompa.