TINIYAK ng pamunuan ng AFP na bibigyan ng “due process” ang 13 sundalo ng Philippine Army na nagpositibo sa droga sa isinagawang mandatory drug test na isinagawa sa Fort Bonifacio, Taguig City nitong Hulyo 5.
Ayon kay Philippine Army spokesperson Col. Benjamin Hao, kapag napatunayang positibo sa “confirmatory test” ang mga sundalo ay sapat nang ebidensiya para tanggalin sila sa serbisyo.
Ngunit siniguro ni Col. Hao, isasailalim sila “due process” base sa umiiral na batas laban sa illegal drugs.
“If the confirmatory test is positive, it is enough evidence for us to discharge our personnel. But we emphasized that due process is given to all our personnel based on existing laws and regulations about illegal drugs,” ayon kay Col. Hao.
Sa ngayon, nasa custody ng Philippine Army ang 13 sundalo at isinailalim na sila sa masusing imbestigasyon.
Ayon kay Col. Hao, noong 2013, may 131 sundalo na sangkot sa illegal drugs ang na-dismiss sa serbisyo; 38 noong 2014; 30 noong 2015 at limang sundalo ngayong taon.
“The PA is very serious in its anti-drug campaign. Since we started this campaign, 204 soldiers nationwide were already discharged from the service because of cases related to illegal drugs,” dagdag ni Hao.