KINOMPIRMA ni Pangulong Rodrigo Duterte, umaabot na sa ilang bilyon ang inaalok ng mga drug lord para siya ay ipatumba.
Ngunit sinabi ni Pangulong Duterte, hindi siya natatakot dahil kung sakali ay mayroon namang bise presidente na papalit sa kanya.
Ayon kay Duterte, tiwala siyang magiging matapang din si Vice Pres. Leni Robredo sa mga drug lord para sa kapakanan ng bansa.
Tiwala rin si Duterte na nakasalalay na ang lahat sa Panginoon kung magtatagumpay ang mga nagtatangka sa kanyang buhay.
“Ah, hindi sa ‘kin. Sa ‘kin? I heard they are offering billions. You don’t have to worry, you have your Vice President. Kaya nga tayo may Vice President e. E, ‘di there is always the rule of succession,” ani Pangulong Duterte.
“No, I’m confident that God will decide everything. If God does not want me to die, I will not die. But if God wants me out of the scene, I will be gone. So, ba-bye na lang.”
DRUG LORDS SA NBP ITATAPON SA MALAYONG ISLA
IKINOKONSIDERA ng gobyerno na itapon sa malayong isla ang high profile inmates sa Building 14 ng New Bilibid Prisons (NBP).
Ang mga presong nasa Bldg. 14 ay kilalang drug lords at mabibilang sa level 5 o pinaka-notoryus na mga pinuno ng sindikato ng ilegal na droga.
Sinabi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre, isa ang Caraballo Island o kaya ang malayong isla sa Palawan sa mga pinag-aaralan nilang pagdalhan sa drug lords dahil walang signal ng cellphone at hindi sila makapagsasagawa ng operasyon.
Kung hindi uubra sa mga isla, sinabi ni Aguirre, maaari nilang ilipat sa Tanay, Rizal o sa kulungan ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) ang hardcore drug lords.