MAGWAWAKAS na ang pagtatanim ng bala sa mga paliparan makaraan ipagbawal ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga awtoridad ang paghuli sa mga pasaherong matutuklasang may bala sa kanilang bagahe.
Sinabi ni Senior Superintendent Mao Aplasca, bagong director ng police Aviation Security Group (Avsegroup) kahapon, hindi ikukulong o kakasuhan sa korte ang mga pasahero kapag nakompiskahan ng bala, batay sa utos ni Duterte.
Sa halip, ang mga pasahero na makokompiskahan ng bala ay isasailalim sa agarang ‘profiling’ upang mabatid kung may kaugnayan sa alinmang grupong terorista o kriminal, at kung may intensiyong kriminal sa pagdadala ng bala.
Agad din silang pasasakayin sa eroplano kung walang makokompiskang baril at bala, dagdag ni Aplasca.
“Laglag-bala modus operandi is a thing of the past and we assure the public that they no longer worry that they will miss their flight or get arrested at our airport for possession of an ammunition,” aniya.
Sinasabing sa ‘tanim-bala’ scam ay sangkot ang ilang airport personnel na nagtatanim ng bala sa bagahe ng mga pasahero.
Kapag nahulihan ng bala ang pasahero, hihingian siya ng pera kapalit ng kanyang paglaya at ibabalik na walang record ang kanyang passport.
Bago pa ang presidential campaign, sinabi ni Duterte na kung siya ang pangulo, ipalulunok niya sa mga magtatanim ang bala.