INAASAHANG magagamit na sa susunod na buwan ang national hotline na magiging sumbungan ng bayan laban sa tiwaling mga opisyal at empleyado ng pamahalaan.
Sinabi ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar, isinasapinal na ang kaukulang mga hakbang para magamit ang 8888 at ang 911 Nationwide Emergency Response Center.
Sa pamamagitan ng linyang 8888 ay maipaparating kay Pangulong Rodrigo Duterte ang sumbong ng mga mamamayan para mabilis na matugunan ng gobyerno.
Bukod sa tiwaling mga gawain ng mga taga-gobyerno, maaari rin i-report sa hotline ang nakabinbing mga proyekto o mga problemang kailangan agad matugunan.
Ngunit may babala si Pangulong Duterte sa mga gagamit ng hotline 8888 na ang layon ay manloko lamang dahil mananagot sila sa batas.
Ang mga empleyado ng Presidential Action Center (PAC) ang tatanggap ng mga sumbong.