TINIYAK ng Palasyo na may matibay na batayan si Pangulong Rodrigo Duterte nang tukuyin sa publiko ang limang heneral na sangkot sa illegal drugs.
Sinabi ni Presidential Chief Legal Counsel Salvador Panelo, bilang presidente ay may ‘access’ si Pangulong Duterte sa lahat nang nakakalap na impormasyon ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Hindi pa aniya nakauupo sa Palasyo si Pangulong Duterte ay na-validate na ang mga impormasyon laban sa limang heneral kaya paulit-ulit ang panawagan na kusang magbitiw o magretiro na sila.
“Alam mo ‘yung information being fed wrong , palagay ko less than .00 percent lang ‘yun, president ito. Kung ikaw presidente you have access, napag-aralan na, na-validate na noon pa sinasabi na niya kahit ‘di pa siya president you notice marami siya nalalaman. Maraming nagtitiwala kay Mayor Duterte that time as mayor marami siya nakukuhang information at naba-validate palagi,” ani Panelo.
Lalabas aniya ang lahat ng ebidensiya laban sa mga heneral kapag nasampahan na sila ng mga kaukulang kaso.
Nitong Martes, pinangalanan ni Pangulong Duterte sina Deputy Director General Marcelo Garbo Jr. (retired), Chief Superintendent Vicente Loot (retired), Chief Supt. Bernardo Diaz, Director Joel Pagdilao, at Chief Supt. Edgardo Tinio bilang mga protector ng drug syndicate.
Iginiit ni Panelo, walang nilabag na batas si Pangulong Duterte nang kilalanin sila sa publiko at hindi rin ‘trial by publicity’ ang ginawa ng Punong Ehekutibo.
“No law nor due process has been violated when you say due process, you give respondent the chance to explain his side whatever accusation anyone has made,” ani Panelo.
Ilang beses aniyang hinimok nina Pangulong Duterte at Philippine National Police (PNP) chief, Director General Ronald dela Rosa ang nasabing mga heneral na mag-report sa kanila bago pa sila pangalanan ngunit binalewala lamang.
“If you recall the Pres. has been asking the people he has named to come out in the open and explain their side or stop whatever they’re doing illegally. The President as well as the PNP chief have been threatening to name them and asking them to come forward they did not, They were given the chance to do so but they did not,” dagdag ni Panelo.
Nagkaroon pa nga aniya ng tsansa na ipaliwanag ng mga heneral ang kanilang panig nang tukuyin na sila ng Pangulo.
( ROSE NOVENARIO )
Nag-alok ng reward vs Duterte, PNP chiefDRUG LORD NAIS NI GEN. BATO NA MAKA-FACE-OFF
DETERMINADO si PNP chief Police Director General Ronald Dela Rosa na makaharap ang drug lord na nasa loob ng Bilibid prison na nagpasimuno ng pag-aalok ng reward money kapalit ng buhay nila ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Plano ni Dela Rosa na bisitahin ang National Bilibid Prison (NBP) kasunod ng kanyang pangako kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre na magtatalaga siya ng isang batalyon ng PNP Special Action Force (SAF) sa national penitentiary.
Pahayag ni Dela Rosa, hindi niya aawayin ang nasabing drug lord kundi babatiin niya ng “Hi” ang pasimuno ng P1 bilyong reward money sa kanila ni Pangulong Duterte.
Una na rin hinamon ni Dela Rosa ang nasabing drug lords sa isang duelo at kapag siya ang nanalo sa nasabing duelo ay gagamitin niya ang iniaalok na bounty money ng drug lords para magpatayo ng rehab centers sa mga lugar na may mataas na antas ng drug addiction.
PULIS NA ‘DI SUSUNOD SA DRUG OPERATION PROTOCOL MANANAGOT
MANANAGOT ang mga pulis na hindi sumunod sa protocol sa drug operations na humantong sa pagkamatay ng mga suspek.
Tiniyak ito ni Senior Supt. Dionardo Carlos, spokesman ng PNP, sa harap nang halos araw-araw na pagkamatay ng hinihinalang drug dealers sa kamay ng mga pulis.
Ayon kay Carlos, awtomatikong iniimbestigahan ng PNP Internal Affairs Service ang police operations na mayroong casualties.