PERSONAL na ipinaabot ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbati sa mga kababayang Muslim sa pagdiriwang kahapon ng Eid’l Ftr o pagtatapos nang pag-aayuno sa buwan ng Ramadan.
Sa inilabas na pahayag ng pagbati, sinabi ni Pangulong Duterte, ang pag-aayuno tuwing Ramadan ay kabilang sa limang haligi ng pananampalataya sa Islam at ito ay nagtuturo ng disiplina, pagiging totoo, sinseridad at commitment sa aral ng Koran.
Ayon kay Pangulong Duterte, napapanahon ang selebrasyon ng Eid’l Ftr ngayong sisimulan ng bansa ang bagong hakbang para makamit ang kapayapaan at katiwasayan sa buong bansa.
Hangad ng Pangulo na ang mga aral at disiplinang natutuhan sa buwan ng Ramadan ay magsilbing inspirasyon sa Muslim communities na makiisa sa lahat ng mga Filipino tungo sa hangaring pangmatagalang kapayapaan at pagkakaisa ng bansa.
Nitong Lunes, nilagdaan ng Pangulo ang Proclamation No. 6 na nagdedeklarang regular holiday kahapon bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Hari Raya Puasa.
Si Pangulong Duterte ang pinakaunang pangulo ng bansa na nagmula sa Mindanao at bagama’t mula sa Visayas ang angkan, binanggit niya noong kampanya na ang nanay ng kanyang ina ay isang Maranao at ilan sa kanyang mga apo ay may dugong Tausug.