AMINADO si Gerald Santos na kabado siya sa ginawang pag-arte sa kanyang debut movie na Memory Channel na kasali sa World Premieres Film Festival (na tatagal hanggang July 10) kaya naman malaki ang pasasalamat niya kay Epy Quizon na kasama niya sa pelikulang pinamahalaan ni Raynier Brizuela (na siya ring may screenplay).
Ani Gerald sa ilang panayam, malaki ang naitulong sa kanya ni Epy para maging kampante sa pagganap sa papel ni Leo la Torre, isang singer na nagkaoon ng retrograde amnesia dahil sa aksidente. Dahil sa aksidente, nagkaroon siya ng anxiety at panic attack kaya hindi na naging normal ang kanyang pamumuhay.
Ginagampanan naman ni Epy ang umano’y isang psychiatrist na lalong nagpalala sa kondisyon ni La Torre. Kasama rin sa pelikula sina Bodjie Pascua, Patrick Patawaran, Arvy Viduya, at Michelle Vito.
Actually, masasabing hindi na bago ang pag-arte para kay Gerald (bagamat ito pa lamang ang nagawa niyang pelikula) dahil nakaganap na siya sa teatro at sa dalawang musical, ang Sino Ka Ba, Jose Rizal? Ng Gantimpala Theater Foundation at Pedro Calungsod ng Spectrum Creative Works.
Ayon kay Gerald, medyo nahirapan lamang siya sa pag-adjust ng pag-arte mula sa teatro tungo sa pelikula. Mas Malaki raw kasi ang movements sa teatro at may pagka-exaggerated samantalang sa pelikula, ”subdued and you should under-act.”
At kung tatanungin si Gerald kung pasado ba para sa kanya ang ginawa niyang pag-arte sa Memory Channel, sinabi nitong, ”Enough, I think. I guess that I delivered, that I was able to give justice to the role.”
At para sa aming obserbasyon, tama lamang ang ipinakita niyang arte at nakumbinse naman niya kami sa iniarte niya. Kumbaga, pasado siya bilang ito ang una niyang pagganap sa isang pelikula.
Sa kabilang banda, ipinagdiriwang ni Gerald ang kanyang ika-10 taon sa showbiz at magkakaroon siya ng concert sa Setyembre 23 sa SM SkyDome.
Palabas pa ang Memory Channel sa SM North Edsa at SM Megamall. Ang World Premieres Film Festival (Manila ay brainchild ni Briccio Santos (head ng Film Development Council of the Philippines).
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio