KAKAIBANG challenge para sa award winning actor na si Allen Dizon ang papel niya sa pelikulang Iadya Mo Kami ng BG Productions International na bahagi ng World Premieres Film Festival na magtatapos sa July 10. Gumanap si Allen sa obrang ito ni Direk Mel Chionglo bilang pari na may anak.
Mahirap ba sa part mo na halos ayaw kang pagsalitain o kaunti lang ang dialogue mo rito? “Oo mahirap, kasi parang… ang hirap kasing iarte iyong nakikita lang sa mata at sa mukha, e. So, dapat talaga ay makuha ni Direk Mel kung ano ang hinahanap niya at makuha mo iyong acting na hinihingi niya.
“Kasi mahirap din iyong wala kang sinasabi, parang nag-e-emote ka lang. Tapos sina Diana (Zubiri), sina Direk Ricky Davao, Direk Eddie Garcia, lahat sila ay maraming lines, e. Pero ako, parang minsan ay nakikinig lang ako, pero may mga lines din naman ako rito,” saad ni Allen.
Nanibago ka ba sa ganitong atake o style ng acting? “Nanibago rin ako, kasi iyon nga, ayaw nila akong masyadong parang kamukha ng acting sa TV, ganyan. Mas gusto nila more on reactions, maraming nuances na hindi nagsasalita.
“So far ay nakuha ko naman iyong gusto ni Direk Mel, kailangan lang siguro na more on talagang tutukan lang…”
Ayon pa kay Allen, mas mahirap ang atake sa subtle na acting “Mas mahirap iyong subtle, kasi ang hirap ng ang daming nuances tapos wala kang sinasabi. Kailangan ay makuha ng mga tao iyon, makuha ng mga audience.
“Dito sa Iadya, di kailangang loud ang acting ko. Kailangan subtle lang, subdued. Mahirap kasing iarte iyong ganoon,” saad pa ni Allen na nanalong Best Actor last March 2016 sa movie’ng ito sa 4th Silk Road Film Festival sa Ireland.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio